Calendar

Ortega: Mga kandidatong inuuna interes ng China kesa PH wag iboto
NANAWAGAN ang isang lider ng Kamara de Representantes sa mga botanteng Pilipino na huwag iboto ang mga senatorial candidates na mistulang mouthpiece ng China at hindi inuuna ang interes ng Pilipinas.
Muling binigyang-diin ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang kanyang matagal nang paninindigan laban sa paghalal ng mga kandidatong hindi prayoridad ang soberanya ng bansa, lalo na sa harap ng agresibong pag-aangkin ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
“Ako ‘yung statement ko dun, antagal na. Sabi ko nga, ‘wag susuportahan ‘yung mga mouthpiece ng hindi pro-Pilipinas. So last year pa yata na sinasabi ko na ‘yun na okay lang ‘yung local politics, okay lang na may politika, may konting hindi pagkakaintindihan. Pero pag ang kinakampihan mo na eh hindi pro-Pinoy at hindi Pinoy, may problema na talaga doon, malaking problema na,” ani Ortega.
Binigyang-diin niya na hindi dapat maghalal ng mga lider na makikipagkasundo sa China kapalit ng seguridad ng bansa, lalo na’t patuloy ang mga agresibong hakbang ng Beijing sa West Philippine Sea.
Sinegundahan naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman, chair ng House committee on women and gender equality, ang pananaw ni Ortega at iginiit na bagama’t mahalaga ang diplomasya sa China, dapat manatiling matatag ang Pilipinas pagdating sa soberanya at pambansang seguridad.
“You know what, we are not anti-China. We are against the activities that infringe on our sovereignty and endanger our territorial integrity. Of course, necessarily, we have to engage with them sa trade relations, diplomatic relations. There are also many Filipinos in China. But ibang usapin na itong pagdating sa ating teritoryo,” ani Roman.
Nanawagan din si Roman sa mga botanteng Pilipino na suriing mabuti ang mga kandidatong kanilang susuportahan at tiyakin na ang kanilang katapatan ay para sa bayan, hindi sa interes ng mga dayuhan.
“Kaya nga, importante na maging mapanuri ang lahat ng mga botanteng Pilipino. Mawala ng lahat huwag lang ang pakiramdam. Suriin natin ang ating mga kandidato, especially ‘yung mga nasa Senado. Let’s feel, let’s try to read between the lines. Kanino ba talaga ang kanilang loyalty?” dagdag pa niya.
Nagbabala naman si Ortega na posibleng may mga kandidato sa Senado na pinopondohan ng China, isang banta sa soberanya ng Pilipinas, lalo na sa harap ng panibagong pag-angkin ng Beijing sa Palawan.
“Nakita po natin na ang dami na namang kumakalat na nagsasalita na sinasabi na naman nila, they’re claiming na pagmamay-ari na naman nila ‘yung Palawan. Naku, isa na ‘yan sa pinakamalaking fake news sa araw na ito,” aniya.
Binigyang-diin ng kongresista na dapat unahin ng mga botante ang mga lider na may tunay na malasakit sa bayan at hindi ang mga nagsisilbi sa interes ng ibang bansa.
“Kaya ‘yung mga medyo tikom dyan. Alam na this, hindi sila pro-Pilipinas. Kailangan ko pa sabihin kung kanino sila pro? Ang mga puro trolls na ‘yan sigurado magkakasama lahat ‘yan. So ganoon lang kasimple ang stand ko doon,” pahayag ni Ortega.
Binalewala naman ni Ortega nang tanungin kung may partikular siyang pangalan ng mga kandidatong pinaghihinalaang sinusuportahan ng China.
“Hindi sila sikat, hindi ko sila kilala. ‘Yung mga medyo pro-China na maingay, mga number 40, number 50, di ko na pinapansin,” aniya.
Samantala, iginiit ni Roman na bagama’t isa sa pangunahing requirements ng isang kandidato ang pagiging Pilipino, ang tunay na pagmamahal at katapatan sa bayan ay hindi nasusukat lamang sa legal status.
“Ang gusto kong sabihin ano, isang basic requirement na i-establish sa ating election laws and then of course Constitution ang first requirement ay dapat Filipino citizen. Hindi pwedeng dual citizen. Kailangan Filipino citizen. Pero ang pagiging Pilipino ay dinadala sa puso,” aniya.
Iginiit pa niya ang kahalagahan ng pagboto ng mga senador na tunay na naglilingkod para sa kapakanan ng mamamayan, at hindi inuuna ang pansariling interes o interes ng dayuhan.
“At kung mag-uupo ka rin lang naman ng tao who will not serve the interests of the Filipino people, sumuko na lang tayong lahat. Parang give up na ako. Pero gusto ko ‘yung senador na tutulong sa mga farmers,” dagdag niya.
Nanawagan ang dalawang mambabatas sa mga botante na ibasura ang mga kandidatong hindi kayang ipaglaban ang kasarinlan at seguridad ng bansa.
“Gusto ko ng senador na alam trabaho ng isang legislator,” pagtatapos ni Roman.