Init Source: PNA

Ready tayo sa init–Malacanang

Chona Yu Mar 3, 2025
22 Views

HANDA na ang iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan sa epekto ng tumitinding init matapos makapagtala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng “danger” heat indices.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, naka-monitor na ang pamahalaan at may nakahanda nang aksyon para maibsan ang epekto ng tag-init.

“Kikilos agad ang ahensiya para po matugunan kung anuman ang magiging problema sa mga susunod na araw itong napakatinding init na nararamdaman natin,” pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na magpapatawag ng pulong ang pamahalaan para talakayin ang sitwasyon partikular na ang action plans ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Education (DepEd).

Nakapagtala ang PAGASA stations sa Muñoz, Nueva Ecija ng 45 degrees; at Science Garden, Quezon City at Clark Airport sa Pampanga ng 46 degrees heat index.

Nagsuspindi na rin ng klase ang Manila, Valenzuela, Caloocan, Malabon at Las Piñas dahil sa mainit na panahon.