Yedda Tingog Party-list Rep. Yedda Romualdez

Rep. Yedda Romualdez kinilala mahalagang papel ng kababaihan sa paghubog ng bansa

Mar Rodriguez Mar 3, 2025
24 Views

KINILALA ni Tingog Party-list Rep. Yedda Romualdez ang mahalagang papel ng mga kababaihan sa paghubog sa kinabukasan ng bansa.

Lumahok si Rep. Romualdez sa pagdiriwang ng Women’s Month sa pamahalaang bayan ng Plaridel sa Bulacan, na pinamumunuan nina Mayor Jocell Aimee Vistan-Casaje at Vice Mayor Lorie Vinta, noong Marso 3 at dinaluhan ng mahigit 1,000 babaeng lider at miyembro ng iba’t ibang organisasyon.

Ang pagdiriwang ay pagkilala sa mga babae na nagpakita ng kahusayan sa larangan ng edukasyon, negosyo, paglilingkod sa komunidad at pamahalaang publiko.

Ito ay isang pagpupugay sa mahalagang papel ng kababaihan sa pagpapalakas ng pamilya, pagpapatibay ng mga komunidad at pagtataguyod ng isang mas inklusibong bansa.

Sa pagdiriwang, na may temang “Ang Dangal at Kagitingan ay Hinuhubog sa Tahanan,” binigyang-diin ni Rep. Romualdez na ang lakas ng isang bansa ay naka-ugat sa tibay ng pamilya.

Itinampok niya ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagpapanday sa kahalagahan ng dignidad, katapangan at integridad sa loob ng tahanan—mga halagang humuhubog sa mga susunod na pinuno at responsableng mamamayan.

“Ang ating mga tahanan ay ang ating unang paaralan, kung saan tayo ay pinapanday upang maging makabuluhang miyembro ng lipunan; at lalo na, maging makatao at mabubuting mamamayan ng ating bansa,” ani Rep. Romualdez.

Pinuri rin ni Rep. Romualdez ang walang sawang pagsisikap ng mga babaeng lider ng Plaridel—mula sa mga opisyal ng barangay hanggang sa mga tagapagtaguyod ng komunidad—na patuloy na nagpapalakas sa kapwa kababaihan at nagsusulong ng mga programa para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagpapaunlad ng kabuhayan, kalusugan at edukasyon.

Pinapurihan din niya ang Pamahalaang Bayan ng Plaridel sa kanilang dedikasyon sa pagpapatibay ng kakayahan ng kababaihan sa pamamagitan ng inklusibong pamamahala at mga programang tumutugon sa pangangailangan ng kababaihan.

“Tayong mga kababaihang lider ay nagsisilbi sa iba’t ibang kapasidad at pamamaraan. Sa larangan ng politika, tayo ay nakikibahagi sa pagsulong ng mga polisiya at programa. Sa usaping pang-ekonomiya, tayo ay nangunguna sa paglikha ng mga oportunidad para sa trabaho at kabuhayan. Higit dito, tayo rin ay nangunguna sa pagtaguyod ng makabuluhan at epektibong mga reporma upang guminhawa ang buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya.

Isa sa mga tampok ng pagdiriwang ay ang paggawad ng parangal sa mga natatanging kababaihan ng Plaridel, na ang pamumuno, paglilingkod at dedikasyon ay nagsisilbing huwaran sa paglilingkod sa komunidad at pamahalaan.

Kinilala ni Rep. Romualdez ang mga ginawaran ng parangal bilang ilaw ng inspirasyon na nagtutulak sa iba pang kababaihan upang lumabas, mamuno nang may tapang at maging instrumento ng positibong pagbabago.

“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang mga parangal na inyong tatanggapin ngayon upang lalong pagbutihin ang inyong ginagampanang tungkulin,” aniya.

Bilang isang masigasig na tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan at kabataan, muling ipinahayag ni Rep. Romualdez ang kanyang pangako na itulak ang mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at kabataan, nagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, at nagbibigay ng access sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan at oportunidad sa ekonomiya.

Tiniyak niya sa mga kababaihan ng Plaridel na mayroon silang matibay na kakampi at tinig sa Kongreso.

“Ngayong Buwan ng Kababaihan, patuloy nating palakasin at palawigin ang TINGOG o boses ng pag-asa, pag-unlad at pagkakaisa, hindi lamang bilang boses ng kababaihan, kundi ng bawat Pilipino,” idineklara niya.

Natapos ang pagdiriwang sa isang sama-samang panawagan para sa pagkakaisa, na dinaluhan ng mga lingkod-bayan tulad nina Congresswoman “Ditse” Tina Pancho, BM Petchay dela Cruz, dating Mayor Tessie Vistan, mga Konsehal, mga Pinuno ng Kagawaran ng Munisipyo at mga Punong Barangay.

Magkakasama nilang binigyang-diin na kapag ang mga kababaihang may kakayahan ay nagbuklod, sila ay nagiging isang di-mapipigilang puwersa para sa pag-asa, pag-unlad at pagkakaisa.

“Ipagpatuloy ninyo ang paggabay sa inyong mga tahanan nang may pagmamahal at kalinga… At higit sa lahat, pagsilbihan natin ang ating bansa nang marangal at puno ng kagitingan,” pagtatapos ni Rep. Romualdez.