Transpo

Malacanang di tumitigil mapaganda pa sistema ng transportasyon sa PH

Chona Yu Mar 4, 2025
19 Views

PINAGSUSUMIKAPAN ng Palasyo ng Malakanyang na mapaganda pa ang sistema ng transportasyon sa Pilipinas.

Pahayag ito ng Malakanyang matapos maiulat ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na kulelat ang bansa kumpara sa mga karatig bansa pagdating sa transport infrastructure.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro hindi tumitigil ang gobyerno pagdating sa pagpapatupad sa mga proyekto para mapabuti ang imprastraktura ng transportasyon sa bansa.

Bagamat aniya mayroong ilang factors na nagiging sanhi ng pagkakaantalata ng ilang proyekto, tiniyak ni Castro na ginagawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng makakaya para matupad ang mga pangako nito sa taongbayan.

Patuloy ang isinusulong na malalaking proyekto ng administrasyong Marcos tulad ng PUV modernization program, railway expansion, road network improvement at iba ang inisyatibo.

Ito ay para mapabilis at mapadali ang biyahe ng mga mamamayan at mapaunlad ang ekonomiya ng bansa.