Enverga Quezon Rep. Mark Enverga

Mas mahigpit na pagbabantay laban sa price manipulation ng palay, panawagan ng Agri committee chair ng Kamara

17 Views

SA nalalapit na anihan ng palay sa Marso na magtatagal hanggang Mayo, nanawagan si Quezon Rep. Mark Enverga sa mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang pagbabantay sa presyo ng palay at tiyakin na hindi makakapagsamantala ang mga negosyante na magreresulta sa pagkalugi ng mga lokal na magsasaka.

“Kailangang tiyakin natin na patas ang kita ng ating mga magsasaka habang abot-kaya ang presyo para sa mamimili,” giit pa ni Enverga.

Binanggit ng kinatawan mula sa Quezon na noong mga nakaraang anihan, lalo na noong Setyembre hanggang Oktubre, may mga ulat na napilitan ang ilang magsasaka na ipagbili ang kanilang palay sa halagang ₱14 hanggang ₱18 kada kilo—o higit na mas mababang presyo.

Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa ₱20.69 kada kilo ang karaniwang presyo ng tuyong palay sa bukid noong Enero 2025.

Ngunit kung hindi paiigtingin ang regulasyon, maaaring muling samantalahin ng mga mapagsamantalang negosyante ang paparating na anihan sa pamamagitan ng pagpapababa ng presyo.

Panawagan ni Enverga sa Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na mas palakasin ang pagbabantay at aktibong kumilos upang mapanatili ang matatag na presyo ng palay.

Hinimok niya ang NFA na bilhin ang hindi bababa sa 20 porsyento ng lokal na ani ngayong anihan para matiyak ang patas na presyo para sa mga magsasaka.

“Kung bibili ang NFA ng mas malaking bahagi ng ani, hindi madaling madidiktahan ng traders ang presyo. Kapag may kumpetisyon sa pagbili, sigurado ang kita ng magsasaka,” paliwanag ng kongresista.

Bukod dito, iminungkahi rin ni Enverga ang paggamit ng isang real-time digital price monitoring system upang gawing mas malinaw at accessible ang farmgate prices.

“Dapat may malinaw na presyuhan para hindi maloko ang mga magsasaka. Kung may tracking ng presyo sa merkado, makikita natin agad kung sino ang nandadaya,” aniya.

Bagaman mahalaga ang pananatili ng mababang presyo ng bigas sa mamimili, iginiit ng co-chair ng House quinta committee na ang pangmatagalang solusyon ay bawasan ang labis na pagdepende sa imported rice.

Isinulong din niya ang mas pinalawak na subsidiya sa pataba, mas maayos na pasilidad para sa post-harvest, at mechanization programs upang mapababa ang gastos sa produksyon at mapataas ang lokal na ani ng bigas.

“Ang solusyon hindi lang basta mura ang bigas, kundi siguraduhin na may sapat na lokal na produksyon. Hindi pwedeng habambuhay tayong nakaasa sa imported rice—kailangan may suporta sa ating sariling ani,” binigyang-diin ni Enverga.

Binanggit din niya ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na nilagdaan bilang batas noong Setyembre 2024.

Pinapalakas ng batas na ito ang kapangyarihan ng pamahalaan upang buwagin ang mga cartel, parusahan ang mga hoarder, at pigilan ang manipulasyon ng presyo.

Nagpapataw ito ng mabibigat na parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong at malalaking multa para sa mga mapapatunayang sangkot sa economic sabotage.

Nanawagan si Enverga sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Enforcement Group na agad bumuo at ipatupad ang malinaw at epektibong panuntunan upang labanan ang price-fixing at wakasan ang pananamantala sa mga magsasaka at mamimili.

“Malinaw ang batas—hindi natin papayagan ang pananamantala sa mga magsasaka at konsyumer. Kung may mga negosyante na nagmamanipula ng presyo, dapat hulihin na agad at kasuhan,” aniya.

Tiniyak din ni Enverga sa mga magsasaka at mamimili na ang House murang pagkain supercommittee o quinta comm ay patuloy na magpapatupad ng mga pangmatagalang reporma upang patatagin ang industriya ng bigas.

Ang quinta comm ay itinatag sa ilalim ng House Resolution (HR) No. 254 na inakda ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. Pinagsasama nito ang limang pangunahing komite ng Kongreso—ways and means, trade and industry, agriculture and food, social services at ang special committee on food security—upang labanan ang smuggling, hoarding, manipulasyon ng presyo at kagutuman na nagbabanta sa seguridad at affordability ng pagkain.

“Ang laban natin para sa murang bigas at patas na kita ng magsasaka ay hindi lang para sa ngayon. Kailangang siguruhin natin na may matibay na pundasyon ang agrikultura natin para sa hinaharap. Hindi lang para sa susunod na anihan, kundi para sa mga susunod pang henerasyon,” pagtatapos ni Enverga.