House Assistant Majority Leader Jude Acidre House Assistant Majority Leader Jude Acidre

Taumbayan naiinip na sa impeachment trial ni VP Duterte — AML Acidre

22 Views

NAGSISIMULA na umanong mainip ang mga Pilipino sa pagkaantala ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na hindi pa umuusad sa Senado, ayon kay House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list nitong Martes.

Ginawa ni Acidre, ang chairman ng House committee on overseas workers affairs, ang pahayag bilang tugon sa hakbang ng mga lider ng relihiyon na mangalap ng isang milyong pirma kada buwan para sa People’s Impeachment Movement.

Sinabi ni Acidre na tungkulin ng Senado, alinsunod sa Konstitusyon, na agad simulan ang paglilitis kay Duterte.

“Kasi tungkulin at mandato naman ng Senado na dinggin ang anumang impeachment complaint na dumarating sa kanila at hindi ho para iwasan or lunurin ito sa technicality. Ang mas maganda siguro na simulan na lang ‘yung trial,” ani Acidre sa isang virtual news conference.

“Kasi nakikita itong mga hakbanging ito, lalo na ‘yung ginawa kaninang umaga na paglulunsad ng People’s Impeachment Movement, eh pagpapakita na kahit ang taong-bayan medyo naiinip na rin. At sila’y nagtataka kung bakit hindi pa inaaksyunan ng Senado formally itong impeachment complaint,” dagdag niya.

Binalaan niya ang Senado na posibleng magkaroon ng mas marami pang kilos-protesta mula sa iba pang grupo hangga’t hindi umuusad ang impeachment trial.

“At sa tingin ko, hindi ito magiging huling pagtawag at marami pa, marami pang susunod dito. Kasi kami naman eh, lalo na ngayong eleksyon, umiikot at nakikita natin na ang ordinaryong Pilipino ay naghahanap rin ng kasagutan sa mga katanungan na ipinakita natin doon sa mga pagdinig sa committee on good government,” ani Acidre.

Samantala, sinabi ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City na marami sa kanyang mga kababayan ang nagtatanong tungkol sa nangyayari sa impeachment trial ni VP Duterte.

“Marami sa aking mga kababayan nagtatanong ano ang nangyari sa impeachment. Ang tanong is there a need for the public to (clamor for early trial). The public feels the need to do it…(to) make the Senate hear us, then so be it. ‘Yun naman gusto nilang gawin,” aniya.

Gayunpaman, inamin ni Acidre na Senado pa rin ang may huling desisyon.

“All we can do at the moment is to really appeal to their sense of love for country. Siyempre ang pagmamalasakit sa bayan, ‘yun na lang po ‘yung magagawa natin at siyempre paghandaan po ‘yung trial,” aniya.

“Of course we want this done kaagad, we want the trial done forthwith. But in the end, ang deciding factor dito katulad no’ng pinalabas sa timeline, ang deciding factor dito kung ano maging desisyon ng Senado dito. Kaya tayo ay mananawagan na lamang sa‘ting mga kaibigan sa Senado na kung puwede nilang gampanan ang kanilang tungkulin kaagad-agad,” dagdag niya.

Ang grupo sa likod ng signature gathering campaign ay tinatawag na Kontra ABO (Abusive Behavior and Oppression). Binubuo ito ng mga pari, pastor at layko.

“If the Senate refuses to act, the people will. If they want clamor, we will give them a clamor so loud it will shake the very foundations of its new ₱30-billion building,” ayon sa grupo.

Nauna nang sumali ang social action arm ng Simbahang Katolika sa lumalakas na panawagan para simulan agad ng Senado ang impeachment trial ni VP Duterte, sa halip na ipagpaliban ito hanggang Hulyo 30, halos apat na buwan mula ngayon, gaya ng itinakda ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.

“Once an impeachment complaint is filed, government institutions must act swiftly and decisively. Delays and hesitations in the process only weaken our democratic institutions and erode public trust in governance,” ayon kay Caritas Philippines president Bishop Jose Colin Bagaforo ng Kidapawan sa isang pahayag.

“The people are watching, and they deserve to see their leaders prioritize truth and accountability above political maneuvering,” dagdag niya.