Ex-DepEd spokesperson Michael Poa Ex-DepEd spokesperson Michael Poa

Poa isinama sa legal team ni VP Sara para hindi magamit na testigo sa impeachment trial

18 Views

NANINIWALA si House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list na isinama si dating Department of Education (DepEd) spokesperson Michael Poa sa legal team ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte upang hindi ito maipatawag bilang testigo sa Senate impeachment trial bunsod ng prinsipyo ng lawyer-client confidentiality.

Ipinunto ni Acidre na si Poa, na nagsilbi rin dati bilang tagapagsalita ng Office of the Vice President, ay nasa posisyon upang magbigay-linaw sa mahahalagang isyu kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Pangalawang Pangulo.

Gayunpaman, sa pagsasama sa kanya sa depensa, maaaring hindi na siya mapilitang tumestigo sa impeachment court.

“Well, ako kung ako tatanungin, medyo inaasahan ko na rin na gagawing kasama ng legal team si Atty. Mike Poa kasi sa totoo lang ho, pwede po silang magtago sa … principle ng lawyer-client confidentiality,” ani Acidre, na chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, bilang tugon sa isang tanong ng mamamahayag sa isang Zoom press conference.

Idinagdag niya na ang hakbang na ito mula sa kampo ni Duterte ay tila isa pang pagtatangka upang ilihis ang atensyon mula sa mga tanong na hindi pa nasasagot kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno.

“Makikita po natin ang isa na namang attempt to deflect. Kung totoohanin na gusto talaga ni Atty. Mike Poa, na kaibigan natin, na sabihin ng totoo, mayroon silang pagkakataon nung panahon nung investigation sa (Committee on) Good Government,” aniya.

Sinuportahan naman ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City ang pahayag ni Acidre, at sinabing ang pagsama kay Poa sa legal team ni Duterte ay lalo lamang nagdudulot ng mas maraming katanungan.

“On my end, hindi naman siya bago no. It’s nothing new to us. Si former spokesperson Michael Poa, matagal naman na siyang part talaga ng kanilang official family. Kahit na may pinagdaanang time na umalis siya, wala naman kaduda-duda na parte siya,” ani Zamora.

Binalikan ni Zamora ang naunang pahayag ni Poa kung saan sinabi nitong wala siyang alam sa ilang detalye kaugnay ng paggamit ng confidential funds dahil hindi ito saklaw ng kanyang tungkulin bilang DepEd spokesperson. Ngayon, umaasa siyang mas marami nang maisisiwalat si Poa sa kanyang bagong posisyon sa legal team ni Duterte.

“So, ngayon kung may mga tanong ‘yung di masasagot si former spokesperson Poa, ah excited kami ngayon kasi at least sabay-sabay nating malalaman. Dati may mga hindi siya masagot patungkol sa confidential funds, hindi daw siya parte … So, ngayon I’m very excited na parte siya ng impeachment team ni VP Sara. Then we get to hear the correct answers from them,” dagdag niya.

Gayunpaman, nananatiling may pagdududa si Acidre, na binigyang-diin na ang pagsama kay Poa sa depensa ni Duterte ay maaaring isang sinadyang hakbang upang pigilan siyang maglahad ng mahahalagang impormasyon sa impeachment court.

“Pero sa tingin ko dito, sa hakbang na ito na ginawa ng kampo ni VP Duterte, sa tingin ko pagpigil ito para kay Mike Poa na tumestigo sa impeachment court at magsabi ng totoo,” aniya.

Sa kabila ng mga pangamba, sinabi ni Acidre na makikita sa mga susunod na araw kung ano ang magiging prayoridad ni Poa—ang pagsasabi ng katotohanan o ang pulitika.

“Titignan natin kung ano ang mangingibabaw sa puso ni Atty. Mike, kung ang bayan o politika,” dagdag niya.

Ang impeachment trial ni Duterte ay nag-ugat sa mga alegasyon ng katiwalian, kabilang ang maling paggamit ng confidential funds noong siya ay DepEd Secretary. Patuloy na iginigiit ng mga mambabatas na dapat maging malinaw kung paano ginastos ang naturang pondo na may kabuuang halagang P612.5 milyon.