Calendar
Sunod-sunod na pagguho ng mga tulay pinaiimbestigahan sa Senado
NANAWAGAN si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na imbestigasyon ng Senado kaugnay ng paulit-ulit na insidente ng pagguho ng mga tulay sa bansa upang mapanagot ang mga kontratista, opisyal ng gobyerno, at iba pang may responsibilidad sa mga proyektong ito.
“The number of incidents of bridges collapsing across the country has reached an alarming level. These have resulted in fatalities, injuries, and significant economic losses, raising urgent concerns over deficiencies in engineering and design, use of substandard materials, lack of proper oversight, and possible corruption in infrastructure projects,” ani Pimentel sa paghahain ng Senate Resolution No. 1319.
“Billions of pesos are spent and years are wasted building these bridges, only for them to collapse in an instant, endangering lives and squandering public funds. Bridges must be built to withstand calamities and heavy use, yet their repeated collapses raise serious concerns,” dagdag niya.
Ginawa ni Pimentel ang panawagan matapos ang naganap na pagguho ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela.
Batay sa Executive Order No. 124 series of 1987, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dapat magsilbing pangunahing ahensya sa larangan ng engineering at konstruksyon ng estado upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasilidad ng imprastraktura. Layunin din nitong matiyak ang pinakamataas na antas ng kahusayan at kalidad sa mga pampublikong kalsada at tulay, ayon kay Pimentel sa kanyang resolusyon.
Ang naturang bagong bukas na tulay sa Isabela, na may habang 990 metro at may kabuuang gastusin na ₱1.225 bilyon, ay natapos noong Pebrero 1, 2025. Gayunman, makalipas lamang ang ilang linggo mula nang buksan ito, bumagsak ito noong Pebrero 27, 2025, nang may dumaan na overloaded dump truck.
Mula pa noong 2022, paulit-ulit nang nanawagan si Pimentel para sa isang pagsusuri at imbestigasyon sa mga tulay na itinayo ng gobyerno, dahil sa lumalaking bilang ng mga estrukturang may kahina-hinalang tibay.
Tinukoy ni Pimentel ang iba’t ibang insidente ng pagguho ng tulay bilang ebidensya ng mga pagkukulang sa estruktura.
Ang pinakahuling kaso ay ang pagguho ng Magapi Bridge sa Balete, Batangas, noong Oktubre 28, 2024, na muling nagdala ng pangamba hinggil sa seguridad at integridad ng mga imprastraktura ng bansa. Ayon sa mga ulat, bumigay ang tulay dahil sa malakas na agos ng baha at mga natumbang puno dulot ng Bagyong Kristine.
Sinundan ito ng pagguho ng Bantilan Bridge noong Oktubre 29, 2022. Ang 30 metrong konkretong tulay, na nag-uugnay sa Batangas at Quezon, ay bumigay matapos itong mapinsala ng malakas na agos ng ilog at pagbaha.
Isa pang insidente ang naganap noong Oktubre 20, 2022, nang bumagsak ang Carlos Romulo Bridge sa Bayambang, Pangasinan. Batay sa mga ulat, sanhi ito ng pagdaan ng dalawang overloaded dump trucks na lumampas sa itinakdang bigat ng tulay, na nagresulta sa matinding pinsala at ikinasugat ng apat na tao.
Sa Bohol, bumagsak ang Borja Bridge noong Hunyo 16, 2022, matapos daanan ng isang 12-wheeler dump truck na lumampas sa itinakdang kapasidad ng tulay.
Isa pang trahedya ang naganap sa Bohol noong Abril 27, 2022, nang bumagsak ang Loay-Clarin Bridge na tumatawid sa sikat na Loboc River. Apat ang nasawi at 18 ang nasugatan sa insidenteng ito.
Bukod pa rito, isang tulay na ginagawa sa Kulafu, Magsaysay, Marilog District, Davao City, ang bumagsak noong Pebrero 18, 2022, habang nilalagyan ng sariwang semento ang sahig nito. Tatlong manggagawa ang nasugatan at agad isinugod sa ospital. Ang proyektong ito, na isinagawa ng MCCI Construction sa ilalim ng DPWH-Davao Region, ay bahagi ng P93.7 milyong flood control at connectivity project at inaasahang matatapos noong Marso 2022.
Sa isa pang insidente, apat ang nasugatan nang mahulog ang isang 12-wheeler truck mula sa 80 talampakang taas matapos bumagsak ang isang steel bridge sa Barangay San Isidro, Majayjay, Laguna, noong Enero 29, 2022. Ayon sa mga ulat, may kargang buhangin mula Bacolor, Pampanga ang trak.
“These incidents highlight the urgent need to review compliance by national and local governments as well as contractors with engineering standards, design feasibility, maintenance protocols, and infrastructure budget allocation,” pagtatapos ni Pimentel.