Presyo ng bigas bababa ng P45/kilo nitong Marso 31

Chona Yu Mar 5, 2025
26 Views

Presyo ng baboy bababa din

BABABA ang presyo ng karneng baboy at bigas ngayong buwan.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakausap niya si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at sinabi ang magandang balita.

Ayon kay Castro, mula sa P49 kada kilo ng bigas, ay bababa na ito sa P45 kada kilo sa Marso 31.

Simula naman sa Marso 10 bababa ang kasim at pigi ng baboy sa P350-P360 kada kilo at ang liempo ay ibababa sa P380 per kilo.

Paliwanag ni Castro, ang dahilan ng pagbaba sa presyo ng bigas at karne ng baboy ay dahil sa pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado na siyang basehan sa pagtatakda ng presyo ng imported na bigas na binebenta sa bansa.

Dati aniya ay pumapalo sa $700-$740 ang presyo kada tonelada ng bigas sa world market, subalit ngayon ay bumaba sa $400- $380 o mas mababa pa kada tonelada.

Paliwanag pa ni Castro, isa lamang ito sa nakikita nilang dahilan sa pagbaba ng presyo ng bigas.