Calendar

Korupsyon pagsasamantala sa mga Pilipino — DML Ortega
MATAPOS lumabas ang resulta ng survey na nagsasabing pito sa bawat 10 Pilipino ang pabor sa mga kandidatong lumalaban sa korapsyon, iginiit ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang kahalagahan ng impeachment upang maalis sa puwesto si Vice President Sara Duterte bunsod ng kanyang mga ginawa.
Ayon kay Ortega, ang korapsyon ay hindi lamang usaping pampulitika kundi isang direktang pagsasamantala sa mga Pilipino, dahil ipinagkakait ng gawaing ito ang mga serbisyong dapat ay para sa kanila.
“Every peso lost to corruption is a peso stolen from public service. It means fewer hospitals, fewer classrooms and fewer opportunities for the people who need them the most. The fight against corruption is a fight for the future of our nation,” saad ni Ortega.
Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Pebrero 15-19 at pinondohan ng Stratbase Group, 70 porsyento ng mga Pilipino ang mas pinapaboran ang mga lider na lumalaban sa korapsyon, na nagpapakita ng kahalagahan ng integridad at pananagutan sa darating na halalan.
Iginiit ni Ortega na ang impeachment ni Duterte ay susubok sa dedikasyon ng gobyerno sa transparency at mabuting pamamahala, lalo na sa gitna ng mga alegasyon tungkol sa paggamit niya ng confidential funds.
“We cannot allow corruption to continue unchecked. If we turn a blind eye now, we are essentially telling Filipinos that integrity does not matter in leadership. And that is a dangerous precedent to set,” ani Ortega.
Pinuna rin niya ang pagkaantala ng Senado sa impeachment trial, na aniya’y nagpapalakas ng hinala tungkol sa pamumulitika at double standard sa paghahatid ng hustisya.
“Justice delayed is justice denied. Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan. The Senate must show its commitment to due process and the rule of law by allowing the impeachment trial to proceed without delay,” dagdag pa ni Ortega.
Habang papalapit ang halalan sa 2025, hinimok ni Ortega ang mga botante na maging aktibo sa paglaban sa korapsyon sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga tiwali at abusadong lider sa puwesto.
“The people have the power to put an end to corruption. Their votes can remove those who abuse public trust. This is the time to demand real accountability,” ayon pa kay Ortega.