La Union Rep. Paolo Ortega V La Union Rep. Paolo Ortega V

Dagdag na pekeng tao na may confi fund lalong pinalakas impeach vs VP Sara

27 Views

LALONG pinatibay ng mga nadiskubreng bagong pekeng pangalan ang kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng paggastos ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at nagpapakita umano ng estilo ng pangangasiwa sa pondo nang walang tinitignang pananagutan.

Sa paglapit ng impeachment trial, sinabi ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na ang paglabas ng mga kapamilya ni “Mary Grace Piattos” ay lalong nagpalakas ng ebidensya laban kay VP Duterte.

“Isa po siya sa pinakamalakas na mapi-prisenta pero hindi muna ako siguro magdu-dwell into specifics since gagamitin nga po siya during the impeachment,” ayon kay Ortega.

Sinabi ni Ortega na ang paulit-ulit na paglitaw ng mga gawa-gawang pangalan tulad ng “Mary Grace Piattos,” “Renan Piatos,” “Pia Piatos” at maging “Xiaome Ocho” ay lalo pang nagpapatibay sa kasong impeachment.

“It’s the same premise po no’ng sa Mary Grace Piattos, gano’n din po kabilang po sila, ‘yung pamilya Piattos, si Renan, si Pia Piatos at tsaka si Xiaome. They are the same situation po ng mga pangalan po na wala naman pong pagkatao,” saad pa niya.

Binigyang-diin pa ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales na habang umuusad ang paglilitis, mas marami pang detalye tungkol sa kwestiyonableng paglalabas ng pondo ang mabubunyag, na magbibigay-daan sa publiko upang maunawaan ang lawak ng umano’y pang-aabuso.

“Kita natin na talagang merong malawakang paglustay at maling paggamit ng pera lalong-lalo na ng confidential fund ng Office of the Vice President,” ayon kay Khonghun.

Ayon pa kay Khonghun, ilalantad ng impeachment trial kung paano umano ginamit ang mga pekeng pangalan sa pagli-liquidate ng confidential funds, na nagpapalakas ng pangamba tungkol sa kwestiyonableng pamamahala ng pondo sa OVP.

“Well, dito natin makikita na meron talagang malawakang pang-aabuso dito sa paggamit ng confidential funds ng ating vice president,” giit pa ni Khonghun.

“At dito lang napapatunayan na talagang hindi nila siguro pinag-ingatan ano ‘yung buong kanilang pagli-liquidate kaya nagmamadali silang humanap ano ng mga pangalan at talagang kung saan nila ipapangalan ‘yung kanilang mga perang inilalabas,” dagdag pa ng kongresista.

Ayon kay Ortega, ang mga pekeng pangalang ito ay nakalistang tumanggap ng confidential funds, na nagdudulot ng matinding pagdududa sa pagiging wasto ng mga rekord sa pananalapi ng OVP.

“Tumanggap, nabigyan po ng confidential funds,” ani Ortega.

Dagdag pa niya, ang patuloy na pagkakatuklas ng umano’y kwestiyonableng transaksyon ay lalong nagpapatibay sa panawagan para sa transparency at accountability sa paggastos ng gobyerno.

“At habang tumatagal nga, nakakakita tayo ng mga pang-aabuso lalong lalo na dito sa mga hindi kapani-paniwalang pangalan na nakalista roon na tumanggap ng pangalan lalong lalo na sa confidential fund ng Office of the Vice President,” ayon naman kay Khonghun.

Tiniyak naman ni Ortega na maingat na sinusuri ng prosecution ang libu-libong resibo na may kaugnayan sa confidential funds upang matiyak na tanging mapagkakatiwalaan at matibay na ebidensya ang ihaharap sa impeachment trial.

“Definitely kasi more than one thousand so madami pa po iyan. Syempre careful naman po tayo sa pag-tread dyan kasi although government naman na, mga public documents pero syempre kailangan po maayos, hindi po tayo pwedeng magbitaw na walang basehan at saka walang ebidensya,” saad nito.

Kumpiyansa ang dalawang mambabatas na sa pagpapatuloy ng proseso ng impeachment ay mas lalong lalabas ang katotohanan kaugnay ng maling paggamit ng confidential funds.