Tingog Party-list Rep. Jude Acidre Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Chairman Acidre itinangging binagalan ng Kamara impeachment vs VP Sara

33 Views

ITINANGGI ni House committee on overseas workers affairs chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list ang mga alegasyon na sinadya ng Kamara de Representantes na pabagalin ang pag-usad ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.

“From day one, there were already discussions and assessments happening among members. This was not a rushed or politically motivated move – this was a well-thought-out process that consolidated three different complaints into one strong, unified case,” ani Acidre, isang House assistant majority leader.

Kinontra ni Acidre ang pahayag ni Sen. Cynthia Villar na pinatagal ng Kamara ang pagpapasa ng Articles of Impeachment, at ipinaliwanag niyang ang proseso ng impeachment sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay masusing pinag-aaralan at hindi maaaring madaliin.

“Impeachment is a constitutional process that requires careful deliberation, legal scrutiny, and political consensus,” aniya.

Ipinunto niya na dapat batid ng mga senador na dating miyembro ng Kamara ang kumplikadong proseso ng impeachment.

“Alam naman po ng ilang senador na dati ring kinatawan sa Kongreso na hindi ito basta-basta. Kung dumaan ito sa House Justice Committee, mas lalo pang tatagal ang proseso. Pero dahil 215 na miyembro ng Kamara ang pumirma, na-fast-track ang transmittal ng Articles of Impeachment,” paliwanag ni Acidre.

Ayon kay Acidre, mas lalo sanang tumagal ang proseso kung idinaan pa ito sa karaniwang pagdinig ng House committee on justice.

“If we had gone through the House Committee on Justice, we would still be conducting hearings today. Every impeachment complaint must be carefully examined, and witnesses must be heard. These things take time, and they should,” ani Acidre.

Iginiit niya na ang malakas na suporta ng mga miyembro ng Kamara ang naging dahilan ng mabilis na pagsulong ng proseso, salungat sa mga paratang ng pagkaantala.

“Kung talagang gusto naming patagalin ito, sana pinadaan pa namin sa mga committee hearings. Pero dahil seryoso ang mga miyembro ng Kamara sa panawagan ng accountability, nagkaisa kami sa isang matibay at pinag-isipang complaint,” dagdag pa niya.

Ipinunto rin niya na ang buong proseso ng impeachment ay isinagawa nang malinaw at ayon sa Konstitusyon upang matiyak ang matibay na batayan ng kaso.

“We didn’t just move fast for the sake of speed – we moved efficiently to ensure due process was followed, while at the same time, addressing the urgency of the matter,” saad ni Acidre.

Ipinaalala ni Acidre sa mga senador na tungkulin na nila ngayon na agad umaksyon sa kaso ng impeachment, sa halip na kuwestyunin ang proseso ng Kamara.

“Wala na sa Kamara ang impeachment complaint. Wala na sa amin ang bola. Nasa Senado na. Kung sa tingin nila may delay, nasa kanila na ang susunod na hakbang para ituloy ito nang mabilis at maayos,” ayon pa sa pahayag ni Acidre.

Hinikayat niya ang Senado na ituon ang pansin sa merito ng kaso sa halip na makisangkot sa political rhetoric tungkol sa procedural matters na napagdesisyunan na.

“This is about accountability, public trust and our duty to uphold the Constitution. The Filipino people deserve a fair and expeditious trial. That is where the focus should be now,” dagdag pa ni Acidre.