Risa Source: Screen grab mula FB post

Sen. Risa kay Viado: Panagutin BI exec na sangkot sa pagtakas ni Na

12 Views

BINATIKOS ni Senador Risa Hontiveros ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa kanilang umano’y pagkakasangkot sa pagtakas ng Koreanong pugante na si Na Ikhyeon, na kanyang tinawag na malinaw na senyales ng patuloy na katiwalian sa ahensya.

“Kumpirmado nga ang CCTV: hindi lang basta nakatakas ang puganteng Koreano mula sa Bureau of Immigration, sadya siyang pinatakas,” ayon kay Hontiveros, na binigyang-diin na hindi simpleng pagtakas ang nangyari kundi sinadyang pagpayag ng mga nasa ahensya.

Si Na, na hinahanap sa South Korea dahil sa kasong pandaraya, ay nakadetene sa Pilipinas mula pa noong Mayo 2023 dahil sa isang kasong estafa na isinampa laban sa kanya ng isang Pilipina.

Nakatakda sana siyang ipadeport, ngunit nakatakas noong Marso 4 sa isang pagdinig sa korte, diumano’y may tulong mula sa ilang kawani ng Immigration.

Nagpahayag ng pangamba si Hontiveros na kung hindi naisapubliko ang insidente, maaaring hindi pa nagkaroon ng pagtugis sa pugante. “Kahit naaresto na siya ulit, nakakabahala na kung hindi pa pala natin isiniwalat sa publiko ang impormasyon ng pagtakas nitong pugante ay baka hindi pa nagkaroon ng manhunt,” aniya.

Nakatuon si Hontiveros na ituloy ang imbestigasyon sa darating na pagdinig ng Senate Subcommittee, kung saan balak niyang ipa-subpoena ang mga karagdagang CCTV footage, kabilang ang mga kuha mula sa loob ng isang establisyimentong tinatawag na Pegasus, na maaaring may kaugnayan sa insidente. “Ipapa-subpoena ko ang mga CCTV footage, kasama na ang CCTV sa loob ng Pegasus, dahil posibleng doon nagkaroon ng transaksyon,” ani ng senador.

Nanawagan din siya kay Immigration Commissioner Norman Viado na papanagutin ang mga opisyal na sangkot sa insidente, at iginiit na dapat Nilang harapin ang pinakamabibigat na parusa, kabilang ang posibleng kasong kriminal sa ilalim ng Artikulo 223 ng Revised Penal Code.

“Magkaroon naman sana ng konting hiya itong mga kawani ng gobyerno,” dagdag pa niya, habang hinihimok ang mga tauhan ng Immigration na gampanan nang may integridad ang kanilang tungkulin.

Muling naaresto ng BI si Na at isa pang pugante, si Kang Changbeom, sa Angeles City, Pampanga, matapos ang limang araw na pagtugis. Gayunman, binalaan ni Hontiveros na hindi ito isang hiwalay na insidente, kundi isang indikasyon ng mas malalim na suliranin sa loob ng ahensya, kaya’t kinakailangang magsagawa ng mga reporma upang wakasan ang katiwalian at maibalik ang tiwala ng publiko sa Bureau of Immigration.