Calendar

Ordanes: Pag-ulit ng tanim-bala sa NAIA nakakagalit
KINONDENA ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong “ Ordanes ang pagbabalik ng tanim-bala modus sa Ninoy Aquino International Airport terminal 3 noong March 6 na nambiktima ng 69-anyos na pasahero.
Ayon sa mambabatas, nakakagalit na nauulit ang ganitong modus na inakala ng publiko tuluyan nang natuldukan.
“Hindi ko lubos maisip na isang senior citizen na babae ang pagdududahan na may anting-anting na bala sa kanyang handbag,” paliwanag ni Ordanes.
Hindi sapat ang ginawang pagtanggal sa pwesto ng tatlong tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) na inanunsyo ni Transportation Secretary Vince Dizon.
Aniya, dapat makasuhan ang tatlo upang mabigyan ng hustisya ang biktima na labis na na-trauma sa insidente.
“Dapat masampahan ng kaso ang tatlong kawani dahil sa labis-labis na trauma na inabot ng senior citizen,” dagdag pa ng mambabatas.
Kaugnay nito, nanawagan si Ordanes na tiyakin ng mga kinauukulan na hindi na mauulit ang ganitong modus, hindi lamang sa mga senior citizen kundi sa lahat ng pasahero.
Naging kontrobersyal ang tanim-bala modus ilang taon na ang nakalipas, kung saan hinihinalang sinasadya ng ilang airport personnel na maglagay ng bala sa bagahe ng pasahero upang piliting maglagay para makasakay ng eroplano lalo na kung international traveler.
Patuloy namang binabantayan ng publiko ang magiging aksyon ng mga awtoridad upang tuluyang matuldukan ang ganitong gawain sa mga paliparan sa bansa.