Roman NO ONE IS ABOVE THE LAW – Nais ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman na ikonsidera ang pagbalik ng Pilipinas sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC), matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant na inilabas ng ICC kung saan ito nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs. Kuha ni VER NOVENO

Rep. Roman gustong bumalik ang PH sa ICC

42 Views

HINIMOK ni Bataan Rep. Geraldine Roman ang administrasyong Marcos na ibalik ang Pilipinas sa ilalim ng International Criminal Court (ICC).

Ginawa ni Roman ang apela matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa bisa ng warrant na inilabas ng ICC kung saan ito nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs.

“Lumabas tayo unilaterally (Executive decision) from the ICC. I think it’s about time bumalik tayo sa ICC at ipakita natin sa buong mundo na itong bansang ito ay gumagalang sa ating mga batas at sa mga international law,” ani Roman, taga-pangulo ng House committee on women and gender equality.

“Wala pong masama doon mga kababayan. Ang batas ang ating tanging sandigan at proteksyon sa pang-aabuso, pati kaming nasa mga posisyon ng kapangyarihan. Ito lamang ang kasiguruhan na merong pagbabatayan ang ating mga hukuman upang bigyan tayo ng katarungan kung tayo ay naapi o naagrabyado,” sabi niya.

Aniya ang muling pag-anib ng Pilipinas sa ICC ay alinsunod sa hangarin ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na itaguyod ang rule of law “because he has nothing to hide.”

“So, sana po panawagan ko, bumalik na po tayo sa ICC. If this is a position that recognizes a rule-based order around the world, then let’s walk the talk. Let’s go back to the folds of the ICC because naniniwala ako wala naman dapat tayong ikatakot. Dahil naniniwala rin po ako na ang ating Pangulo ay desidido na i-uphold ang rule of law at wala siyang itatago,” dagdag niya.

Noong Marso 17, 2018, halos kasabay ng ginagawang imbestigasyon ng ICC sa brutal na giyera kontra iligal na droga, ay pormal na inabisuhan ng noo’y Pangulong Duterte ang United Nations Secretary General ng pagkalas ng Pilipinas sa ICC.

Gayunman, sa ilalim ng nilagdaang treaty ng Pilipinas, nananatili ito sa hurisdiksyon ng ICC sa loob ng isang taon mula sa pag-alis nito.

Bilang isang Pilipino, aminado si Roman na nalulungkot siya sa pagkaka-aresto ng dating Pangulong Duterte dahil maaari itong magdulot ng pagkakawatak-watak ng bansa.

“But as a public servant and as a legislator, I realize that these developments are but natural consequences of the decisions of the parties involved to carry out policies that operated outside the boundaries of the law. And this cannot be tolerated,” saad niya.

“As a legislator and a public servant, kinakailangan po naming i-uphold ang rule of law. Bagama’t maaring hindi mag-agree ang mga ilang tao sa aming postura, sa aming stand, wala po kaming choice kundi sundin ang ating Saligang Batas at ating mga batas. At bilang bansa na rin, ang Pilipinas ay dapat magpakita na mayroong rule of law,” wika pa ng lady solon.

Paghimok naman ni Roman sa mga kaalyado at taga-suporta ng dating presidente na tingnan ang kaniyang pagkaka-aresto bilang oportunidad na patunayan na siya ay inosente.

“Kung hindi kayo naniniwala sa mga local courts, at least bigyan niyo ng chance naman ang ICC. Look at this as a chance for the former president to air his side. ‘Yung hindi tayo nananatili sa duda. If he truly believes that he is innocent of the charges, I’m sure he’ll come up with evidence to prove so…So, let’s give time to due process also. And you just have to trust the process too,” saad niya.

Dagdag pa niya na kailangan ng bansa na tahakin ang “higher moral ground” kahit pa inakusahan ang dating lider ng mga krimen laban sa sangkatauhan dahil sa pagpatay sa libong mga suspek na sangkot sa iligal na droga at maging sibilyan.

“If as a nation and as a government, we claim to respect the rule of law, then we should be the first ones to observe it. Naniniwala ako na when we say na kailangan may due process, kailangan may rule of law, sundin natin ito. At sabi ko nga, the former president is innocent until proven guilty. Let the ICC do its work… Masaklap pakinggan na parang it’s ironic, pero hindi tayo ganoon. We take the higher moral ground, and this is the only way we can have moral authority to actually talk about the rule of law when we actually practice it,” giit niya.

Tinukoy din niya na ang pagkaka-aresto kay Duterte ay isang babala sa mga lider at kanilang taga-sunod na “you can be as creative as you want, you can be as determined as you want, but you have to operate within the bounds of the law.”

“It is always the law. First and foremost, our Constitution and then the body of laws that we have promulgated as a republic. So ‘yun lang. Batas lang dapat ang manaig,” wika pa niya.