Duterte

PH Embassy The Hague naghihintay ng direktiba ukol kay arestadong Digong

Chona Yu Mar 11, 2025
37 Views

May kasamang ulat nina Alfred Dalizon at Zaida delos Reyes

WALA pang inilalabas na direktiba si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands.

Ito ay matapos arestuhin ng Internstional Criminal Court si dating Pangulong Rpdrigo Duterte dahil sa kasong crimes against humanity dahil sa madugong anti-drug war camapgin.

“We have to see how the event would unfold,” pahayag ni Manalo sa chance interview matapos ang pakikipagpulong kay Slovenian Deputy Prime Minister at Foreign Minister Tanja Fajon.

Tumanggi naman si Manalo na magkomento kung ano ang magiging papel ng DFA sa kaso ni Duterte dahil wala nang ugnayan ang tanggapan sa ICC mula nang kumalas ang Pilipinas noong 2019.

Sinabi pa ni Manalo na ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Department of Justice (DOJ) ang direktang humahawak sa kaso ni Duterte.

Inaresto si Duterte paglapag ng sinasakyang eroplano sa airport mula Hong Kong.

Sinasabing sa The Netherlands ikukulong si Duterte.

OPISYAL na inilagay ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang kustodiya si Duterte noong Martes batay sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) para sa crimes against humanity na ipinaabot sa headquarters ng Interpol Manila.

Ang 79-anyos na alkalde ng 5 terms sa Davao City inaresto pagkarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Hong Kong.

Nagtungo sa NAIA noong madaling araw si PNP chief General Rommel Francisco D. Marbil at PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Major Gen. Nicolas D. Torre III upang tiyakin ang seguridad sa paliparan.

Si Maj. Gen. Torre ang bumasa ng Miranda Rights kay Duterte bago siya dinala sa Kalayaan Hall sa Villamor Air Base mula sa NAIA Terminal 3.

Wala pang opisyal na pahayag kung saan ikukulong ang presidente ng Pilipinas noong 2016 hanggang 2022 ngunit nakahanda na ang maximum security PNP Custodial Center sa Camp Crame na dati nang pinaglagakan ng mga dating pangulo at senador.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), natanggap ng Interpol Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest mula sa ICC bago magmadaling araw nitong Martes.

“The Prosecutor General served the ICC notification for the arrest warrant on Duterte for alleged crimes against humanity after he landed at the Ninoy Aquino International Airport,” ayon sa PCO.

Pansamantalang isinailalim sa lockdown ang NAIA nitong umaga. Mula roon, dinala ang dating pangulo sa mahigpit na binabantayang Philippine Air Force headquarters sa Villamor Air Base.

Kinondena naman ng dating legal counsel ni Duterte na si Atty. Salvador Panelo ang pag-aresto at tinawag niyang “iligal” ito.

“It’s unlawful arrest. The PNP didn’t allow one of his lawyers to meet him at the airport and to question the legal basis for PRRD’s arrest,” ani Panelo.

“He was deprived of legal representation at the time of his arrest,” wika pa ni Panelo. “The PNP could not have a hard copy of the warrant arrest,” dagdag niya.

Iginiit din ni Panelo na hindi maaaring hawakan ng PNP ang hard copy ng arrest warrant, kaya’t ilegal umano ang ginawang pag-aresto.

Giit ng abogado, hindi maaaring kilalanin ang warrant ng ICC dahil wala itong hurisdiksyon sa Pilipinas. Binalaan din niya ang mga miyembro ng arresting team na pananagutin sila sa kanilang ginawa.

Patuloy na iniimbestigahan ng ICC si Duterte at iba pang matataas na opisyal ng kanyang administrasyon kaugnay ng crimes against humanity dahil sa libu-libong kaso ng pagpatay sa ilalim ng war on drugs, na ayon sa opisyal na datos umabot sa 6,000 katao.

Gayunpaman, sinabi ni Duterte na kanyang kukuwestyunin ang legalidad ng kanyang pag-aresto at haharapin ang kaso bilang isang abogado. Tiniyak din niyang hindi siya tatakas sa ibang bansa.

Ayon kay PNP spokesperson Brigadier Gen. Jean S. Fajardo, obligasyon ng PNP na ipatupad ang anumang kahilingan mula sa Interpol batay sa prinsipyo ng reciprocity.

Tinukoy niya ang kaso ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na natunton ng PNP at Bureau of Immigration sa Jakarta, Indonesia noong Setyembre 4, 2024 sa tulong ng kanilang Indonesian counterparts.

“We are duty-bound to enforce any Interpol request, the same mechanism used by the PNP when we monitored the presence of Alice Guo in Indonesia. But we cannot directly transact with the ICC as we have to course through channels,” ani Fajardo.

Bagamat wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, maaari pa rin itong maglabas ng warrant of arrest ngunit kinakailangan pa rin ng tulong ng Interpol dahil wala itong sariling law enforcement units.

Ang Interpol National Central Bureau sa Pilipinas ang nagsisilbing pangunahing koneksyon ng bansa sa mga international law enforcement agencies at Interpol General Secretariat.

Tumutulong ang NCB-Interpol sa pagsisiyasat ng mga krimen sa Pilipinas sa pamamagitan ng paghingi ng impormasyon mula sa ibang bansa at pagbabahagi ng intelligence data upang mapadali ang paghuli sa mga pugante.

Paglilinaw ni Fajardo, bagamat maaaring maglabas ng Blue o Red Notice ang Interpol-NCB, hindi ito awtorisadong mag-isyu ng warrant of arrest.

Noong Agosto, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin C. Remulla na bagamat hindi na kasapi ng ICC ang Pilipinas, miyembro pa rin ito ng Interpol. Gayunpaman, iginiit niyang kailangang dumaan sa legal na proseso ng bansa ang anumang warrant mula sa ICC bago ito maipatupad.

Ayon sa Interpol, ang Red Notice isang kahilingan sa law enforcement agencies sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang taong wanted sa isang kasaping bansa o international tribunal.

Kasama ng PNP chief at ni Gen. Torre ang Prosecutor-General para hainan ng warrant of arrest si Duterte mula sa ICC.

Sa kaugnay na balita, sinabi ni Sen. Bong Go at dating Department of Labor and Employment (DOLE) secretary Silvestre Bello III na kinumpirma sa kanila ni Gen. Marbil na nasa kustodiya na nila ang dating pangulo.

Kinumpirma din ni Bello na may dokumento ngang inihain kay dating Pangulong Duterte subalit hindi naman malinaw kung ito nga’y warrant of arrest.

Itinuturong utak si Duterte ng madugong giyera laban sa droga nang siya ang pangulo ng bansa.

Base sa tala ng human rights watchdog na ICC ang death toll ng war on drugs ni Duterte umabot sa 12,000 hanggang 30,000 mula 2016 hanggang 2019 lamang at karamihan sa mga nasawi biktima ng extrajudicial killings.