Putik tumapon sa flyover, 12 riders sumemplang

13 Views

SUGATAN ang mahigit 12 rider matapos sumemplang ang kanilang mga motorsiklo nang matapon ang kargang putik ng dump truck sa Kamuning flyover sa Quezon City noong Martes.

Sa report ng mga rumespondeng traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA), bandang ala-1:30 ng madaling araw ng maganap ang magkakasunod na aksidente sa motor.

Galinf sa Pasig City ang dump truck at papunta sa Pampanga para dalhin ang panambak na lupa.

Ayon sa driver ng truck, dahil umulan naging putik ang dala niyang lupa at natapon matapos mabuksan ang safety lock sa tail gate nito.

Sinabi naman ng ilang rider na sumemplang na mabilis ang kanilang takbo at nabulaga na lamang sila nang mapadaan sa maputik na flyover kaya nadulas ang kanilang motor.

Dahil dito, pansamantalang isinara ang northbound lane ng flyover upang maiwasan na ang anumang aksidente at linisin ang mga natapong putik sa kalsada.

Nasa kustodiya ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3 ang truck driver na kakasuhan ng Reckless Imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties.