Calendar

Imbestigasyon ng Quad Comm napatunayang tama sa gitna ng fake news
ANG pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nagpapatibay sa imbestigasyon ng House Quad Comm sa ilegal na droga, extrajudicial killings, at iligal na Philippine overseas gambling operations noong nakaraang administrasyon.
Ipinahayag ito ng mga lider ng Kamara sa isang press conference nitong Miyerkules, iginiit nilang lehitimo ang imbestigasyon sa kabila ng mga paratang na ito’y politically motivated mula sa mga tagasuporta ni Duterte na nagpapakalat ng fake news online.
Ayon kay Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, ang pag-aresto kay Duterte ay nagpapatibay sa mga rekomendasyon ng Quad Comm.
“Kasi nakita naman natin nung nag-end ang nakaraang session, nasabi naman at nabigkas ang mga recommendations ng Quad Comm. So siguro nabigyan ng validation. Hindi naman dapat i-validate pero nabigyan ng validation yung hearings ng Quad Comm,” aniya.
“Hindi naman overnight itong sa ICC, halos pitong taon ang itinagal nito at pitong taon ding pinag-aralan itong kaso na ito. But again on the side of the Quad Comm, sabi ko nga parang nabigyan lalo ng importansya yung mga nagawa ng hearings sa Quad Comm,” dagdag niya.
Binatikos din ni Ortega ang patuloy na paninira sa Quad Comm ng mga nagpapakalat ng fake news.
“Nung nag-umpisa po itong Quad Comm hanggang nagging target kami ng fake news, pagpapalaganap ng fake news, lahat po ng miyembro ng Quad Comm ay pinagsisisira po talaga, lalo na nung mga nandun sa kabila,” pahayag niya.
“Alam po kasi nila na marami pong lalabas at maa-uncover itong Quad Comm. And now, sabi ko nga po makikita po natin na the Quad Comm is legit, at kahit anong fake news saka paninira ang ibato nila sa Quad Comm, never kaming huminto. Naka base lang naman po kami sa mga affidavit at sa mga statement po ng ating mga resource person. At uulit-ulitin ko, ngayon, mas nakikita ng taong bayan na the Quad Comm is legit,” dagdag ni Ortega.
Sinabi naman ni Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list na ang imbestigasyon ng Quad Comm ay nagbigay-linaw sa publiko tungkol sa marahas na kampanya kontra droga ng Duterte administration.
“Alam naman natin dahil sa mga nangyaring imbestigasyon din, nagkaroon ng mas klarong pananaw ang taongbayan tungkol sa totoong nangyari sa panahon ng Duterte administration,” aniya.
“And I think credit should be given where credit is due ‘di ba. But I think rather than claiming credit, the members of the Quad Comm are happy to know that people, ‘yung ginawa nating imbestigasyon ay umabot na sa puntong pumapabor sa tao, pumabor sa katarungan at katotohanan yung ginawa nating pagdinig,” wika pa niya.
Ayon kay Acidre, dahil sa imbestigasyon ng Kamara, napagtanto ng publiko na ang madugong giyera kontra droga ay isang panloloko.
“Nakita natin kung paano tayo nabudol at na-scam ng war against drugs at nalahad yung totoong nangyari direkta mismo, hindi lang sa EJK victims but from some personalities that were involved in designing and implementing the war on drugs,” saad niya.
“I think that was an eye-opener itself, kaya nung na realized nila na abudol tayo sa war on drugs eh nagkaroon siguro ng lakas ng loob o di kaya’y mas naliwanagan ang lahat na ang ganitong pangyayari kung saan ginamit ang buong pwersa ng estado para to disregard the rule of law in order to achieve some goals other than what’s legal,” diin ni Acidre.