Jil Bongalon House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list

Pag-aresto kay Duterte may warrant naka-livestream, hindi kidnapping

25 Views

SA kabila ng mga alegasyong ilegal ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa bisa ng isang warrant mula sa International Criminal Court (ICC), iginiit ng mga lider ng Kamara noong Miyerkules na ang buong proseso ay maayos na isinagawa, live-streamed, at may legal na batayan.

Mariing itinanggi ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list ang mga pahayag ng ilang kaalyado ni Duterte na ang pag-aresto sa kanya ay isang uri ng “kidnapping.”

“Hindi ko talaga alam kung bakit masasabi nating kidnapping. Ngayon lang ako nagkaroon ng kidnapping na may blow-by-blow account. Online streaming pa, di ba? Kung kidnapping yun, ewan ko na lang,” ani Acidre sa isang press conference.

“Ang dami nilang sinasabi kasi, katulad ng sinabi ‘di naman nila maharap ‘yung mga victims direkta. Mabuti nga ngayon may livestream pa sila. Yung mga napatay dati, katok lang patay na kagad,” dagdag niya.

Pinabulaanan din ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list ang mga pahayag ng kampo ni Duterte, iginiit niyang may bisa pa rin ang hurisdiksyon ng ICC kahit umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute.

“Well on that aspect, again we have to remember that the effectivity of the withdrawal of the Philippine government under the Rome Statute took effect last March of 2019. But the case was filed prior to its withdrawal. In other words, the International Criminal Court has already acquired jurisdiction over it,” paliwanag ni Bongalon.

Binigyang-diin niya na ang warrant ng ICC ay inilabas sa koordinasyon ng Interpol at may legal na obligasyon ang gobyerno na ipatupad ito.

“In other words, natanggap na po ng gobyerno yung tinatawag na warrant of arrest at wala tayong magagawa but to implement and effect the warrant,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Acidre na pinagtibay na ng Korte Suprema na may bisa pa rin ang mga obligasyon ng Pilipinas sa ICC para sa mga kasong inihain bago ang withdrawal.

“If I may add, I think the restriction of the ICC despite our withdrawal from the Rome Statute has been affirmed already by the Supreme Court, especially in the ruling in Pangilinan v. Cayetano,” sabi ni Acidre.

Binigyang-diin din niya na ang pag-aresto ay maayos na naisagawa alinsunod sa mga international protocol.

“Nakita naman natin. Nandun yung warrant, was served. Binasa yung Miranda rights. And then he was taken in custody, and then proper medical attention was given. And then the country is duty-bound to deliver him to the Interpol who in turn will deliver the former president to The Hague,” saad ni Acidre.

Itinanggi naman ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang mga alegasyong may kinalaman ang administrasyong Marcos sa pag-aresto kay Duterte.

“Fake news po ‘yon,” sagot ni Ortega sa mga nagkakalat ng balitang may kinalaman ang Malacañang sa proseso ng ICC.

Paliwanag naman ni Bongalon, hindi ang gobyerno ang nagsampa ng kaso kundi ang mga pamilya ng EJK victims na nawalan ng tiwala sa lokal na sistema ng hustisya.

“The case was filed during the incumbency of President Duterte. It so happens that the arrest warrant was issued at the time of Marcos administration. So, what will the administration do? Again, we are duty-bound under our commitment by being a party, a long-standing member of Interpol,” paliwanag niya.

Sinabi rin ni Ortega na sinusubukan lamang ng kampo ni Duterte na gawing isyung pulitikal ang kaso imbes na harapin ang bigat ng mga paratang laban sa kanya.

“Hindi kasi nila ma-blame ‘yung mga EJK victims eh. They will try to make it political at ida-divert nila yung issue. Sasabihin nilang Marcos administration, sasabihin nila na political yan, pinulitika kami. Eh bakit hindi nila mabanggit na yung naghain ng kaso is yung mga biktima nung mga namatayan?” tanong ni Ortega.

Hinimok naman ni Acidre ang mga tagasuporta ni Duterte na hayaan ang legal na proseso na umusad.

“Paghahanap natin ng katarungan, hindi naman one-side lang to. Puwede din natin tingnan ‘to ng pagkakataon sa isang legal na pamamaraan, sa isang legal proceeding, para mailahad din ni FPRRD yung kanyang side,” pagtatapos ni Acidre.