EJK

Matapos maaresto si FPRRD, House leaders kumpiyansang mas maraming lalabas para tumestigo kaugnay ng war on drugs

19 Views

NGAYON nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kumpiyansa ang mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na unti-unti nang mawawala ang takot ng mga may kinalaman sa war on drugs campaign at maaaring lumantad na ang mga ito para ilahad ang kanilang nalalaman.

Sinabi ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na ang mga dati ay takot magsalita ay maaaring magkaroon na ngayon ng lakas ng loob upang tumestigo laban kay Duterte at sa kanyang mga kaalyado.

“Sigurado ‘yun, mas lalong may mga taong magco-come forward saka ‘yung mga tao sigurong mas takot dati, medyo nawawala na ‘yung takot nila. At ‘yun nga, ‘yung iba naman kinakain na ng konsensya,” Ortega sa isang press conference nitong Miyerkules.

Idinagdag niya na ang pangunahing layunin ng kaso ay ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs).

“Gusto nila na mabawasan na ‘yung iniisip nila dahil sabi ko nga, this is a story of justice at lahat ng kuwento kailangan may katapusan. We have to finish this story, and therefore, sabi ko nga, ang bida dito, ang dapat makamit ng hustisya eh ‘yung mga biktima po at tsaka ‘yung mga nakita natin na pamilya nila,” ayon kay Ortega.

Ipinunto ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon na limitado ang mga naunang pagsisikap na imbestigahan ang madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, kaya’t maraming biktima ang nawalan ng pagkakataong makamit ang hustisya.

“If we really observe what happened during the past administration, there was no thorough and comprehensive investigation about the EJK,” wika ni Bongalon.

Ipinaliwanag din niya na bagama’t may mga imbestigasyong isinagawa sa Kongreso, kabilang ang Quad Comm ng Kamara, ito ay naging daan lamang upang mabigyang-liwanag ang pagpapatupad ng drug war.

“In fact, one of the actions taken by the House of Representatives is the investigation about the EJK, the drugs, the POGO and other controversies. With that investigation, it served as a platform for persons to really enlighten regarding the implementation of the bloody war on drugs,” saad nito.

Binalikan din ni Bongalon ang testimonya ng ilang personalidad, kabilang ang kontrobersyal na pulis na si Col. Jovie Espenido, na tumestigo sa Kongreso tungkol sa drug war.

“So, with this development, I guess people will have courage to testify and speak what they know about this bloody war on drugs, especially on the part of the victims, the families of the victims probably. I expect that people will come out and speak their grievances,” he said.

Samantala, binigyang-diin naman ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list na ang pag-aresto kay Duterte ay hindi isang uri ng panggigipit sa pulitika kundi isang hakbang patungo sa pananagutan para sa libu-libong Pilipinong napatay sa giyera kontra droga.

“Gusto kong maintindihan ng ating mga kababayan, itong pangyayaring ito, hindi natin ginigipit si dating Pangulong Duterte. Sinisingil lang siya ng taong bayan,” ani Acidre.

Sinabi ni Acidre na maging mga bata ay nadamay at naging biktima ng mga pagpatay, ngunit halos walang naging hakbang upang makamit ang hustisya para sa kanila.

“Dahil ito sa kanila, alam niyo, nung nakasama ako ‘yung mga nasa children’s rights movement, sa mga child rights network, meron din documentation – more than 100 na mga bata ang napatay kasama ng EJK. Ang tawag sa kanila collateral damage,” wika nito.

Inalala rin niya ang sinabi ng isang dating hepe ng pulisya nang harapin ito tungkol sa lumolobong bilang ng mga napaslang, na nagpapakita ng laganap na culture of impunity sa panahong iyon.

“Nung ‘yung isang dating PNP chief tinanong tungkol dito, isa lang ang sagot niya, ‘Shit happens.’ Ganoon klaseng bansa ba tayo?” aniya.

Sinabi ni Acidre na hindi naimbestigahan nang maayos ang mga pagpatay, at ang warrant ng ICC ang unang hakbang upang papanagutin ang tunay na may sala.