Khonghun House Assistant Majority Leader Jay Khonghun

Nagpakalat ng fake news na SC pinigilan pag-aresto kay Duterte dapat parusahan

19 Views

NANINIWALA ang dalawang lider ng Kamara de Representantes na dapat patawan ng parusa si Atty. Raul Lambino kaugnay ng pagpapakalat nito ng “fake news” na naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) laban sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa isang livestream noong Martes, sinabi ni Lambino na naglabas ang Supreme Court ng TRO upang hadlangan ang pagpapatupad ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte.

Binigyang-diin ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun na may tungkulin ang abugado na pangibabawin ang katotohanan kaya dapat silang managot kung sila ang pagmumulan ng maling impormasyon.

“Well, kung abogado ang nagpakalat, syempre may pananagutan siya doon dahil sa ethics ng abogado. Kailangan hindi nagsasabi ng fake news, hindi nagsasabi ng kasinungalingan. So kailangan din meron silang pananagutan sa bawat salita na lumalabas sa kanilang mga bibig,” ani Khonghun.

Matatandaan na hindi naglabas ng TRO ang SC sa mga petisyong inihain nina Duterte at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na naglalayong pigilan ang implementasyon ng warrant of arrest.

Binigyang-diin ni Khonghun na ang desisyong ito ay nagpapatibay sa due process at nagpapakita na walang sinuman ang maaaring gumamit ng batas upang takasan ang pananagutan.

“In the absence of a TRO, ang ibig sabihin, government agencies are not immediately barred from cooperating, lalong-lalo na sa Interpol patungkol sa warrant of arrest ng dating Pangulo. Walang sinuman ang puwedeng gumamit ng batas bilang panangga para umiwas sa responsibilidad at pananagutan,” aniya.

Sumang-ayon si House Assistant Majority Leader Ernix Dionisio Jr. sa pahayag ni Khonghun, at binigyang-diin ang panganib ng pagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na kung ito ay nakalilinlang sa publiko at nakasisira sa reputasyon ng mga institusyon tulad ng hudikatura.

“People who peddle, propagate fake news should really be answerable. I hope, let’s all be responsible no matter which side of the fence ang mga tao. May responsibility tayo to only say and propagate ’yung totoo lang, huwag ’yung fake news,” aniya.

Ayon kay Dionisio, bagama’t maaaring may ilan na totoong nagkamali sa pag-unawa sa sitwasyon, mayroon ding posibleng sinadya itong ipakalat upang magdulot ng kalituhan.

“Sana nagkamali lang sila, na akala talaga nila meron [TRO]. Pero kung sinadya nila na wala naman palang TRO tapos alam nila na para i-mislead ’yung public, that could promote chaos at hindi maganda sa bansa natin,” dagdag pa niya.

Lumabas ang mga maling ulat tungkol sa TRO noong gabi ng pag-aresto kay Duterte at ang kanyang paglilipat sa Netherlands upang harapin ang paglilitis sa ICC. Nilinaw na ng Korte Suprema na walang inilabas na TRO.

Binigyang-diin ni Khonghun na dapat managot ang mga responsable sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

“This is a clear case of misinformation. Malinaw na ito ay fake news at alam naman natin na walang puwang ang fake news sa ating lipunan. Sana ’yung mga nagpapakalat ng mga pekeng balita na ito ay managot,” aniya.

Ang desisyon ng Korte Suprema ay nagpahina sa posisyon na hindi dapat makipagtulungan ang gobyerno sa Interpol na siyang nagpatupad ng arrest warrant.

Kasalukuyang nasa the Hague ang dating pangulo upang harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng libu-libong namatay sa kanyang giyera kontra iligal na droga.

Muling iginiit ni Khonghun na tanging ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang maglabas ng TRO, at ang kanilang desisyon na tanggihan ang petisyon ni Duterte ay dapat magtapos na sa anumang pagtatangkang baluktutin ang katotohanan.

“Nakita naman natin na sinabi ng Supreme Court na walang legal na basehan pa ang pag-i-issue ng TRO. So malinaw na ito ay fake news at may nagpakalat nito para lituhin ang ating taong bayan dahil sa maling impormasyon.”