Chavit

Nasa ICU ba ‘ko? Fake news ‘yan–Chavit

Christian Supnad Mar 14, 2025
18 Views

MARIING itinanggi noong Miyerkules ni dating Ilocos Sur governor Luis Chavit Singson na naka-confine siya sa intensive care unit dahil “malakas pa ako sa kalabaw.”

Sa kanyang statement sa social media bandang alas-2:45 ng hapon noong Miyerkules, sinabi ni Singson na nasa Singapore siya upang palitan ng brand new ang makina ng kanyang private plane.

Ayon kay Singson, bumalik siya gabi ng Miyerkules sa Manila mula Singapore at lilipad naman patungong Vigan Huwebes ng umaga.

“Malakas pa ako sa kalabaw. Singungaling yang nagpapaputok na nasa ICU ako,” ani Singson.

Sinabi niya na maliban sa pagpapapalit ng engine ng kanyang airplane, nag-shopping din siya sa Singapore.

“Huwag maniwala sa taong ito na nagpapakalat ng kasinungalingan na nsa ICU ako,” anang political kingpin.

Ipinaliwanag niya na hindi man siya tumuloy na tumakbong senator itutuloy pa rin niya ang pangakong pagtulong sa mga drivers na kanyang bibigyan ng electric tricycles at jeepneys.

Tuluy-tuloy din ang pagbibigay niya ng VBank card lalo na sa mga overseas foreign workers para madali silang makapag remit ng kanilang pera mula abroad sa kanilang pamilya dito.

Idinagdag pa ni Singson na ang mga equipment at machinery na gagamitin sa pag manufacture ng EV (electric vehicles) dumating na sa Batangas.