Khonghun Zambales Rep. Jay Khonghun

Batas laban sa ‘fake news’ posibleng maaprubahan sa 20th Congress

21 Views
Manila Rep. Ernix Dionisio Jr.
Manila Rep. Ernix Dionisio Jr.

UMUUSAD na ang panukala na i-regulate ang social media upang mapigilan ang pagkalat ng fake news at kung hindi ngayong 19th Congress maisasabatas ay maaaring sa susunod na ito mangyari.

Sinabi ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales na nakatuon ang kasalukuyang pagdinig sa Kongreso sa pagbuo ng mga pananggalang laban sa fake news, kabilang ang pagpapataw ng parusa sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.

“Well, kaya nga nagkakaroon tayo ng mga hearing dahil sa patungkol sa paglalagay ng safeguard laban sa fake news. Kaya nga meron na tayong binuo sa Kongreso upang siguraduhin na makapaglabas ng batas upang labanan ang mga fake news, bigyan ng parusa ‘yung mga nagpapakalat nito at siguraduhin na mahinto ‘yung ganitong klaseng maling gawain,” aniya.

Sa kasalukuyan, ayon kay Khonghun, ay isinasapinal na ng House tri-committee (tri-comm) ang panukalang batas kaugnay sa fake news regulation.

“Huwag kayong mag-alala dahil malapit na rin matapos ‘yung hearing natin ng Tri-Comm pagdating sa pagpapabalangkas sa batas regarding sa pagpapakalat ng fake news,” dagdag pa ng kongresista.

Sinegundahan din ni House Assistant Majority Leader Ernix Dionisio Jr. ng Maynila ang mga pahayag ni Khonghun at binigyang-diin ang panganib na dulot nito kung hindi mapigilan ang pagkalat ng disimpormasyon sa bansa.

“Ako, my opinion sa fake news, talagang salot ‘yan, sa totoo lang, ‘yung mga nagpe-peddle at nagpo-propagate ng fake news. Ngayon nakangiti sila, nagpapakalat sila ng fake news. But at some point in their lives, if not them, their family members, tatamaan at tatamaan din ng fake news,” saad ni Dionisio.

Binigyang-diin din ni Dionisio ang kahalagahan ng pagpasa ng batas upang pigilan ang malawakang paglaganap ng maling impormasyon sa online, nang hindi naaapektuhan ang kalayaan ng media at responsableng pamamahayag.

“Congress is really doing its part night and day para lang makagawa talaga ng proper laws and proper sanctions sa mga taong nagpe-peddle ng fake news,” wika ng mambabatas.

Gayunman, dahil sa limitadong panahon na nalalabi sa 19th Congress, sinabi ni Dionisio na maaaring talakayin ang panukalang batas sa susunod na Kongreso.

“We cannot say for certain na maikli na kasi ‘yung remaining session days, but one thing I can definitely say, masyadong malaki ang clamor at support ng mga House members at ng taong-bayan against fake news,” aniya.

Sinabi ni Dionisio na kung hindi ito maipasa sa kasalukuyang Kongreso, posibleng ito ay isa sa mga unang batas na aaprubahan sa ika-20 Kongreso.

“So regardless if it will be passed in the 19th Congress or the first part of the 20th Congress, it is important na mapapasa na rin siya sa lalong madaling panahon,” paliwanag niya.

Sang-ayon din si Khonghun na nagsabing, “Well we’re hoping na dapat mapabilis ‘yung proseso at magkaroon ng batas na sumasaklaw lalong-lalo na sa social media at saka sa pagpapakalat ng fake news.”

Dagdag pa niya, hindi lamang nito binabaluktot ang mga katotohanan kundi nakakaapekto rin ito sa buhay ng mga tao.

“Napakaganda ng sinabi ni Cong. Ernix na salot nga ‘yung fake news dahil maraming naapektuhan, maraming nabibiktima, at higit sa lahat natatakpan kung ano ‘yung higit na katotohanan,” aniya.

Tinitiyak naman ni Dionisio na dapat pa ring sundin ang due process upang bigyang pagkakataon ang mga akusado na ipagtanggol ang kanilang sarili.

“This is a chance to defend yourself, to show your evidence, pieces of evidence, and the truth will prevail at the end,” aniya.