Huli Iniharap ng NBI sa mamamahayag ang suspek. JONJON C. REYES

NBI inaresto ama sa gahasa ng 3 anak na babae mula 2022

Jon-jon Reyes Mar 14, 2025
20 Views

INARESTO ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NCR), sa ilalim ng pangangasiwa ni NBI Director Jaime B. Santiago ang isang ama sa Paranaque City dahil sa kasong sexually molesting sa kanyang tatlong anak na babae.

Ayon kay Director Santiago, nagsampa ng reklamo sa NBI-NCR ang mga menor de edad laban sa ama.

Sa sinumpaang salaysay ng mga nagrereklamo, sinabi nilang maraming beses silang ginahasa ng kanilang ama na nagsimula pa noong 2022. Hindi nila magawang magsumbong dahil binabantaan sila na may masamang mangyari sa kanila ng suspek.

Iniulat ng mga biktima ang insidente sa kanilang ina ngunit tumanggi itong maniwala sa kanila.

Nitong Marso 10, 2025, isinagawa ng kapatid ng mga babaeng biktima ang kanyang sinumpaang salaysay na nagsasaad na nakatanggap siya ng mga text message mula sa suspek.

Ang mga text message ay nagbabanta at nananakot sa kanya at sa kanyang mga nakababatang kapatid matapos nilang iulat ang insidente sa NBI-NCR. Kasama sa bahagi ng text message ang banta na papatayin sila ng suspek.

Agad kumilos ang mga operatiba ng NBI- NCR Agents at tumuloy sa Baclaran, Paranaque City upang magsagawa ng hot pursuit operation laban sa suspek.

Pagdating sa Baclaran, Paranaque City,dito na nilapitan ng operatiba ang suspek at ipinaalam sa kanya ang reklamo laban sa kanya matapos siyang posasan at huhulihin.

Nakuha pang manlaban ang suspek at kumilos nang marahas, kaya nagkaroon ng scuffle. Sa kalaunan ay napasuko at naaresto ang suspek.

Dinala ang suspek sa NBI-NCR, Taft Avenue, Manila kung saan siya sumailalim sa standard booking procedures. Iniharap siya para sa inquest proceedings sa mga paglabag sa Republic Act No. 8353 (Anti-Rape Law) kaugnay ng Section 5(b) ng Republic Act No. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).