Impeachment Source: PNA file photo

ICC trial ni DU30 di made-delay impeachment trail ni VP Sara

16 Views

TINIYAK ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na tuloy ang nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at hindi maaantala o maaapektuhan ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Wala sa batas na ipapaliban namin ang impeachment dahil may ICC. Wala sa batas na ipapaliban namin ang impeachment dahil may kilos protesta,” ani Escudero.

Ang impeachment trial, na nakatakdang magsimula sa Hunyo 2, tatagal ng anim na buwan at may pinal na desisyon bago mag-Disyembre.

Sinabi ni Escudero na bagaman mainit ang political climate, ang Senado mananatiling nakatuon sa konstitusyonal nitong tungkulin at hindi padadala sa presyur ng pulitika.

Pinabulaanan ni Escudero ang anumang ugnayan ng dalawang kaso.

“Whether nagsabay o hindi, wala namang nakasulat na batas na bawal magsabay,” paliwanag niya.

Bagaman may ilang kaalyado ng pamilya Duterte ang nagsasabing may bahid ng pulitika ang ICC probe, nilinaw ni Escudero na hindi isasaalang-alang ng Senado ang anumang panlabas na isyu sa paghatol sa impeachment case.

Isa sa mga isyung lumutang sa press conference kung paano maaapektuhan ng posibleng ICC arrest warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang Senado.

Si Dela Rosa, na dating hepe ng PNP, isa sa mga pangunahing arkitekto ng Oplan Tokhang, ang kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ang ICC patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanyang ito.

Bagaman iginiit ni Escudero na hindi papayagan ng Senado ang pag-aresto kay Dela Rosa sa loob ng Senado, inamin niyang maaari pa rin itong arestuhin ng mga awtoridad sa labas ng gusali.

Ang desisyon ni VP Sara Duterte na sumali sa defense team ng kanyang ama sa ICC nagdagdag ng tensyon sa pulitika, lalo na dahil siya mismo nahaharap sa impeachment trial.

Tiniyak ni Escudero na magiging patas at makatarungan ang proseso sa Senado.

“Hindi namin isasaalang-alang ang pulitika sa pagpapatupad ng aming tungkulin. May kanya-kanyang papel ang bawat sangay ng gobyerno, at tutuparin namin ang sa amin,” aniya.

Tiniyak ni Escudero na hindi maapektuhan ang mandato ng Senado ng mga panlabas na isyu.

“Wala kaming nakikitang dahilan para iurong ito. May proseso ang impeachment at susundin natin ito nang walang halong pulitika,” aniya.

Ang Senate trial mananatili sa orihinal nitong iskedyul na Hunyo 2, na may parehong House of Representatives at depensa ni VP Duterte na inaasahang tatapusin ang kanilang paghahanda bago bumalik sa sesyon.

Habang papalapit ang impeachment trial, nagiging mas kritikal ang legal na laban ng pamilya Duterte, kapwa sa lokal at pandaigdigang antas, na nagiging pagsubok sa kalayaan ng Senado at sa pagpapatupad ng rule of law sa bansa.