Calendar

Market para sa organic farming lumakas
MAGKAKAROON na ng magandang oportunidad sa merkado ang mga organic farming products sa pamamagitan ng pagdagdag kaalaman ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa La Union hinggil sa Organic Farming Technology.
Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) Program Officer ll Christianne Suguitan, nakapagtapos ang mga ARBs ng pagsasanay sa Organic Farming Technology sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS)-Sustainable Livelihood Project ng DAR.
Layunin ng naturang pagsasanay na mapataas ang produksiyon at kita ng mga ARBs sa naturang lalawigan.
Natutunan ng mga ARBs ang mga praktikal na kaalaman at kasanayan sa organic farming upang makapagtanim ng mas mataas na kalidad ng ani, makatipid sa gastusin, at mapanatili ang kalusugan ng kalikasan.
Ayon pa kay Suguitan, apat na agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) ang lumahok sa training, ang Old Central Multi-Purpose Cooperative sa Sudipen, Gusing Sur Multi-Purpose Cooperative sa Naguilian, Maize Crafters de San Juan Agrarian Reform Cooperative sa Aringay at Bagulin Multi-Purpose Cooperative sa Bagulin.
“Ang programang ito tumutulong sa ating mga magsasaka upang mapanatili ang kalusugan ng lupa, mapataas ang ani, at magkaroon ng mas magandang oportunidad sa merkado sa pamamagitan ng organic farming,” ani Suguitan.
Patuloy na magbibigay ang DAR ng teknikal na suporta upang matiyak na maisasagawa ng mga ARB ang natutunang teknolohiya.
Inaasahang makatutulong ito sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain, pagpapataas ng kita ng mga magsasaka at pagpapalakas ng kanilang kakayahang umangkop sa pagbabago ng klima.
Patuloy na magsusulong ang DAR ng mga programa para sa ARBs upang mapabuti ang kanilang kabuhayan, ani, at katatagan sa hamon ng pabago-bagong panahon sa pamamagitan ng pagsasanay, makabagong teknolohiya at iba pang suporta.