BI

Human trafficking victims via backdoor routes dumadami–BI

Jun I Legaspi Mar 18, 2025
18 Views

NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) tungkol sa dumaraming bilang ng mga Pilipinong nabibiktima ng human trafficking sa pamamagitan ng backdoor routes.

Sinabi kamakailan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na tatlong biktima ng human trafficking—dalawang babae at isang lalaki—ang nakabalik sa Pilipinas noong Marso 16 mula Phnom Penh, Cambodia sakay ng Philippine Airlines.

Ayon sa kanila, inalok sila ng isang kapwa Pilipino sa Facebook ng trabaho bilang Customer Service Representative (CSR) sa Cambodia na may suweldo umanong $1,000.

Pero pagdating sa Cambodia, pinagtrabaho sila bilang love scammers at binayaran lamang ng $300.

Dahil sa mababang sahod, sinubukan nilang lumipat ng ibang kumpanya, ngunit pinahirapan, sinaktan at kinuha ang kanilang mga cellphone ng kanilang among Chinese.

Kalaunan, iniwan sila sa isang di-kilalang lugar bago sila nakatakas at nakahingi ng tulong sa Philippine Embassy na siyang nag-asikaso ng kanilang pagbabalik sa bansa.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), iniimbestigahan na nila ang mga recruiter ng tatlong biktima upang papanagutin sa batas.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na ang tatlong biktima walang opisyal na record ng pag-alis sa Pilipinas na nangangahulugang dumaan sila sa iligal na ruta.

Ikinuwento nila na sumakay sila ng bangka mula Jolo, Sulu patungong Sabah, Malaysia.

Sa Sabah, nilagyan umano ng pekeng Philippine departure stamp ang kanilang mga pasaporte bago sila bumiyahe patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

Mula roon, lumipad sila papuntang Bangkok, Thailand at sa huli, nagtungo sa Cambodia.

Ayon kay Commissioner Viado, patuloy na pinapalakas ng BI ang border security upang mahadlangan ang human trafficking, ngunit hindi sapat ang pagsisikap ng BI lamang.