Gatchalian

Sen. Win: Manggagawa, estudyante dapat may proteksyon sa init

19 Views

NANAWAGAN si Sen. Sherwin Gatchalian sa mga employers at institusyong pang-edukasyon na magpatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga manggagawa at mag-aaral sa epekto ng matinding init.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring umabot sa 50 degrees Celsius ang heat index sa pagitan ng huling bahagi ng Abril at unang linggo ng Mayo.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangan na unahin ng mga negosyo ang kapakanan ng kanilang mga empleyado, lalo na ang mga nagtatrabaho sa labas gaya ng mga street sweeper, traffic enforcer at construction worker.

Hinikayat niya ang mga employer na ipatupad ang flexible work arrangements, pagbutihin ang bentilasyon sa mga lugar ng trabaho, ayusin ang oras ng pahinga upang maiwasan ang labis na pagkapagod dulot ng init at tiyakin ang pagkakaroon ng malamig na inuming tubig para sa mga manggagawa.

Nanawagan din siya sa mga ahensya ng gobyerno at local government units (LGUs) na maglabas ng malinaw na panuntunan upang mabawasan ang panganib ng matinding init.

“Mahalagang mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga manggagawa at maiwasan ang mga sakit na dulot ng matinding init ng panahon upang mas maging produktibo sila at makapag-ambag sa ekonomiya,” dagdag ng senador.

Hinimok ng senador ang mga punong-guro at LGUs na maging maagap sa paglipat sa remote learning kung kinakailangan.

Kailangang mapabilis ang digital transformation sa sektor ng edukasyon upang matiyak na hindi matitigil ang pagkatuto ng mga mag-aaral.

“Habang tinitiyak natin ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral, mahalagang tiyakin din natin na patuloy silang natututo,” aniya.

Dahil sa tumataas na panganib ng mga sakit na dulot ng init gaya ng heat cramps, exhaustion, at heat stroke, binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangan ng agarang aksyon upang maprotektahan ang mga manggagawa at mag-aaral mula sa mga epekto ng tumitinding init.