Calendar

Kung Senado may pagdinig kahit recess, dapat may panahon din sa impeachment ni VP Sara
KUNG nakakapagsagawa umano ng pagdinig ang Senado ngayong naka-recess ang sesyon, sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V na dapat ding tuparin nito ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas at agad na aksyunan ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
“The Constitution is clear—impeachment is a constitutional mandate, not a political tool. If the Senate can convene during recess to discuss other matters, then it should also be ready to deliberate on the impeachment case against the Vice President,” ani Ortega.
Binigyang-diin ng kinatawan ng Unang Distrito ng La Union na ang impeachment ay isang seryosong proseso na nangangailangan ng transparency, urgency at impartiality.
“Ang impeachment ay hindi simpleng isyu ng politika kundi isang proseso ng pananagutan. Kung may mga paratang laban sa isang mataas na opisyal tulad ni VP Sara, tungkulin ng ating mga institusyon na tiyakin na ito ay madidinig ng patas at walang kinikilingan,” aniya.
Ayon kay Ortega, nakasalalay ang kredibilidad ng mga institusyon ng gobyerno sa kanilang pangako na ipatupad ang pananagutan sa pamahalaan.
“Justice delayed is justice denied. Kung gusto nating panatilihin ang tiwala ng publiko, kailangang ipakita natin na walang sinoman ang dapat ituring na higit sa batas. Hindi maaaring balewalain ang isang impeachment case na may bigat sa ating demokrasya,” dagdag pa niya.
Bagaman kinikilala niya ang kapangyarihan ng Senado na magtakda ng sariling schedule, hinimok ni Ortega ang mga senador na ipakita ang parehong antas ng urgency sa paghawak ng impeachment case tulad ng ginagawa nila sa ibang mahahalagang usapin.
“Kung may oras para sa ibang isyu kahit naka-recess, bakit hindi pagtuunan ng pansin ang isang usaping may malalim na epekto sa ating bansa? Ang Senado ang may mandato bilang impeachment court, at inaasahan natin na gagampanan nila ito nang walang pag-aalinlangan,” aniya.
Tiniyak din ni Ortega na nananatiling tapat ang House of Representatives sa pagpapatibay ng rule of law at pagsunod sa lahat ng mga prosesong itinakda ng Konstitusyon.
“We in the House have done our part in ensuring due process is upheld. We trust that the Senate will fulfill its duty with the same diligence and impartiality when the time comes,” ani Ortega.