Fernandez Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

Ex-PCO chief Cruz-Angeles, 10 iba pa maaaring ma-contempt, ipaaresto

22 Views

Kung muling hindi sisipot sa fake news investigation

MULING magsasagawa ng pagdinig ang House tri-committee sa Biyernes, ang ikatlong pagdinig nito kaugnay ng lumalaking banta ng disinformation at fake news na ikinakalat sa iba’t ibang social media platforms.

Ipinatawag ng komite ang 11 social media personalities at vloggers, kabilang si dating Communications Secretary Trixie Cruz-Angeles, na maaaring ma-cite for contempt at ipakulong kung muling hindi sisipot sa pagdinig.

Una nang naglabas ang House committees on public order and safety, information and communications technology, at public information ng show cause order (SCO) para sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat umano ng malisyosong online content.

Sa kabila ng paulit-ulit na pag-imbita, marami pa rin ang hindi nagpakita sa komite, dahilan para magpalabas na ng subpoena para sa 11 vloggers.

Bukod kay Cruz-Angeles, na isang abogado, kasama sa maaaring ma-contempt sina Aeron Peña, Allan Troy “Sass” Rogando Sasot, Elizabeth Joie Cruz, Dr. Ethel Pineda Garcia, Jeffrey Almendras Celiz, Krizette Laureta Chu, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Mark Anthony Lopez, Mary Jean Quiambao Reyes at Richard Tesoro Mata.

Ayon kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, overall chair ng tri-comm, ang imbestigasyon na ito ng Kongreso ay layong panagutin ang mga indibidwal na nagpapakalat ng mali at mapanlinlang na impormasyon online.

“Disinformation is a national security issue. It erodes public trust, destabilizes institutions, and manipulates democratic discourse. We cannot allow social media to become a free-for-all platform for deception and propaganda,” saad ni Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety.

Dagdag pa niya, ang pagpapatupad ng contempt ng komite ay para mapanatili ang integridad ng imbestigasyon ng Kongreso.

“Congress has the authority to summon individuals to testify on matters of public interest. Ignoring lawful orders is a direct challenge to our institution and the democratic principles we protect,” paliwanag niya.

Matatandaan na binigyang-diin ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman ng House quad committee, na ang pagsisiyasat ng tri-comm sa paglipana ng fake news at malisyosong content sa social media ay hindi para kitilin ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin.

Nilinaw ni Barbers, na naglahad ng pribilehiyong talumpati noong Disymebre 16, kasama ang resolusyon ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na naging basehan ng pagdinig, ang tunay na hangarin ng imbestigasyon ng tri-comm.

“I just would like to reiterate that the objective of the hearings the Tri-comm is conducting is not to suppress the freedom of expression or the freedom of speech,” saad ni Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs.

“In fact, we are all aware that this is provided for in our Constitution and we’d like to respect the right of everyone to his own opinion or to his own expression. Contrary to what others may be thinking, this is not in any way a tool to suppress their expressions or opinions on certain issues, whether they may be political or economic or even other points of views,” ani Barbers.

Sabi ni Barbers, nais lamang nilang magkaroon ng malinaw na panuntunan at pinakamainam na batayan kung paano maaayos ng pamahalaan ang pagpapalaganap ng impormasyon sa social media.

Inaasahang haharap sa pagdinig sa Biyernes ang mga ahensya ng pamahalaan, social media platform, media organization at civil society groups.

Inimbitahan din ang mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Commission on Elections (Comelec), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), National Telecommunications Commission (NTC) at Philippine National Police (PNP) upang makapagbigay ng pananaw sa mga hakbang na ipinapatupad para labanan ang disinformation.

Nakatakda ring humarap ang mga kinatawan ng Google Philippines, Meta (Facebook) at ByteDance (TikTok) para sagutin ang mga alinlangan patungkol sa papel ng kanilang platform sa paglaganap ng misinformation.

Nagpalabas na ang tri-comm ng SCOs sa tanggapan sa Pilipinas ng Facebook at Tiktok matapos hindi dumalo sa pinakahuling pagdinig ng komite.

Ibabahagi naman ng media organizations, kasama na ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), Manila Broadcasting Company, PressOne.PH at VERA Files, ang kanilang pag-aaral patungkol sa lawak ng pagkalat ng pekeng balita.

Ilan din sa mga kilalang social media influencer na inimbita ng komite ay sina Jay Sonza, Vivian Velez, Enzo Recto at George Ahmed Paglinawan.

Ang pagsisiyasat ng Kongreso ay bahagi ng mas malaking hakbang para mapigil ang pagkalat ng maling impormasyon online na ayon sa mga mambabatas ay nagiging banta sa seguridad ng bansa at mga institusyon ng gobyerno.

Target ng tri-comm na makagawa ng panukalang batas para mahinto ang pagpapakalat ng disinformation sa bansa.