Calendar

Hontiveros nanawagan ng mas mahigit na kontrol sa border
NAGBABALA si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros hinggil sa pamamahala ng Bureau of Immigration (BI) sa mga umaalis na POGO workers, na aniya’y nagagamit ang maluwag na regulasyon sa connecting flights upang mapadali ang transnational crimes.
Sa pagdinig ng Senado ukol sa mga butas sa immigration at pagtakas ng mga dayuhang kriminal, binigyang-diin ni Hontiveros kung paano ginagamit ng POGO workers ang kasalukuyang sistema ng BI upang maiwasan ang pagbabalik sa kanilang mga bansang pinagmulan.
“Ayon sa batas—as Commissioner Viado interprets it—PWEDE ang connecting flights. But I wish to make of record that the law does not say na dapat ang connecting flights. Hindi rin naman natin sinasabi na bawal ang layover flights,” ani Hontiveros na inamin din na pinangagambahan niya pag abuso ng Ilan Dito.
Pinuna ng senadora ang patuloy na pagpayag ng BI sa connecting flights, sa kabila ng pagkakaroon ng direktang biyahe patungo sa mga bansang pinagmulan ng mga deportee.
“The continued permission of connecting flights—where direct flights are available—is a boon to the continuation of transnational crimes,” babala niya.
Habang binanggit ni BI Commissioner Joel Viado ang legal na basehan ng connecting flights, giit ni Hontiveros na may kapangyarihan ang BI na ipagbawal ang layover para sa POGO workers o magpatupad ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng immigration authorities sa transit countries.
“The Commissioner could very well, as the head of our border control, prohibit connecting flights for POGO workers or ensure stricter protocols like coordination between the borders,” aniya.
Binanggit din ng senadora ang mga reklamo ng mga embahada ng ibang bansa, na nagsasabing nawawala ang kanilang mga mamamayan sa layovers imbes na bumalik sa kanilang bansa.
“Obvious na nga, nagpupulasan ang mga POGO workers pagdating sa layover at nagrereklamo na ang mga embassy nila,” pahayag ni Hontiveros.
Hindi itinago ni Hontiveros ang kanyang pagkadismaya sa tila kawalan ng aksyon ng BI sa isyu ng immigration loopholes.
“Kung business as usual pa din ang ating approach, ewan ko na lang,” aniya, habang iginiit na ang maluwag na pagpapatupad ng batas ay nagbibigay-daan sa mga POGO operator at dayuhang kriminal upang ituring ang Pilipinas bilang ligtas na kanlungan.
“The reason why we have become a safe haven for these bad actors ay dahil tila parang sebong lamig kung kumilos yung iba nating mga enforcer at regulator,” dagdag pa niya.
Hiniling din ng senador ang listahan ng mga personnel ng BI na nag-escort sa mga deportees, bilang bahagi ng kanyang pagsusuri sa posibleng pakikipagsabwatan ng ilang opisyal ng BI sa mga ilegal na aktibidad.
Bagamat may natukoy nang detalye sa kung paano nakalabas ng bansa ang puganteng si Alice Guo, aminado si Hontiveros na hindi pa rin ito ganap na nalilinawan.
“Friends, bagamat may konting liwanag na tungkol sa pag-alis ni Guo Hua Ping, I am disappointed that we have still not resolved with finality paano siya nakaalis. Sunud-sunod at matagal na nating disappointment ito,” ayon sa kanya.
Bukod kay Guo, ibinahagi rin ni Hontiveros ang ilang mahahalagang usapin sa immigration na patuloy na iniimbestigahan ng Senado, kabilang ang:
Epektibidad ng Alert List Order system
Pang-aabuso sa quota visas
Chinese spies na nakakakuha ng Philippine visas
Iba pang POGO workers na gumagamit ng parehong escape methods
Sa pagtatapos ng pagdinig, kinilala ni Hontiveros ang pagtanggap ng BI sa limitadong kapasidad nito sa pagpapatupad ng batas, ngunit binigyang-diin niya rin ang kawalan ng inisyatiba ng ahensya upang gamitin ang kapangyarihang mayroon ito.
“The B.I. has laid out a case sa kung paanong pilay sila kaya ‘di nila tayo masagot sa nangyari kay Guo. But at the same time, parang may hesitation rin ang Commissioner na i-exercise ang ibang kapangyarihan na meron naman sila pagdating sa POGO situation,” aniya.
Dahil sa patuloy na mga katanungan tungkol sa POGO operations, mga butas sa immigration, at pagtakas ng dayuhang pugante, nangako ang Senado na ipagpapatuloy ang pagsisiyasat sa mga isyung ito.
“We will continue to delve into this,” pagtatapos ni Hontiveros bago ipagpaliban ang pagdinig.