Martin1 Kinilala ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mabigat na tungkulin ng mga opisyal ng barangay at inihayag ang suporta ng Kamara de Representantes sa pagtaguyod ng kanilang kapakanan at kakayanan. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez tinitiyak suporta ng Kamara sa kapakanan ng barangay officials

Mar Rodriguez Mar 19, 2025
23 Views
Martin2
Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasama ang mga miyembro ng Liga ng mga Barangay ng Pilipinas-Tacloban Chapter, sa pangunguna ng presidente nito na si Raymund Romualdez, na sumasailalim sa apat na araw na komprehensibong pagsasanay sa Citystate Tower Hotel sa Ermita, Manila. Naroon din si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez at si Marty Romualdez.
Kuha ni VER NOVENO

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga opisyal ng barangay ang matibay na suporta ng Kamara de Representantes sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa paglilingkod at pagtaguyod ng kanilang kapakanan.

Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang pangakong ito sa kanyang mensahe ng Miyerkules sa harap ng mga miyembro ng Liga ng mga Barangay ng Pilipinas-Tacloban Chapter na sumasailalim sa apat na araw na komprehensibong pagsasanay sa Citystate Tower Hotel sa Ermita, Manila.

“The House of Representatives, under my leadership, is committed to giving barangay officials the dignity and support you deserve. Hindi namin kayo pababayaan, dahil hindi niyo rin kami iniwan,” ani Romualdez, pinuno ng 306-miyembrong Mababang Kapulungan.

“We will continue pushing for laws that recognize your sacrifices, secure your future, and strengthen your capacity to lead,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang mga opisyal ng barangay ang gulugod ng pamahalaan.

“In every crisis, in every challenge, in every moment of need, you are the first to respond. Kayo ang unang tinatakbuhan ng tao, kayo rin ang unang sumasalo sa problema. That is why ensuring your strength, security, and stability is not just a commitment—it is a duty,” aniya.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang mabigat na tungkulin ng mga opisyal ng barangay, kabilang ang disaster response, pagpapatupad ng batas, financial management at mga usaping panlipunan.

“That is why we in Congress continue to fight for measures that uplift barangay officials, ensuring that you are given the resources, recognition, and respect you deserve,” aniya, kasabay ng pagsasabing isang kawalan ng katarungan ang maglingkod nang walang sapat na suporta.

Ibinahagi rin ni Romualdez ang ilang panukalang batas sa Kamara na naglalayong pagandahin ang kalagayan ng mga opisyal ng barangay at bigyan sila ng kinakailangang suporta:

-House Bill No. 11287 – Pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay sa anim na taon

“Why? Because real progress takes time. Ang tunay na pagbabago, hindi minamadali—pinagtitibay. This measure will allow you to execute long-term programs, reduce election disruptions, and focus on what truly matters: serving the people,” ani Romualdez.

-Saklaw ng Social Security System (SSS) para sa mga opisyal ng barangay

Ayon kay Speaker Romualdez, hindi katanggap-tanggap na ang mga naglalaan ng kanilang buhay sa paglilingkod ay walang kasiguruhan sa pananalapi. Aniya, ang pagsasama ng mga opisyal ng barangay sa SSS ay titiyak na sila ay makatatanggap ng life insurance, disability benefits at lifetime pension.

-Magna Carta for Barangays

Sinabi ni Romualdez na layon ng panukalang ito na gawing institusyonal ang mga benepisyo, magbigay ng maayos na sweldo at tiyakin na may sapat na pondo ang mga barangay upang maglingkod nang epektibo sa kanilang komunidad, tulad ng:

• Sweldo at benepisyo na katumbas ng mga empleyado ng gobyerno.

• Health insurance at scholarship para sa mga dependent.

• Tiyak na pondo para sa mga programa ng barangay.

Lahat ng mga inisyatibang ito, ayon kay Romualdez, ay para sa pagpapalakas ng barangay dahil “kung matibay ang barangay, walang maiiwang Pilipino.”

Samantala, pinuri rin niya ang Liga ng mga Barangay–Tacloban Chapter sa kanilang inisyatiba na magsagawa ng training program.

“This four-day training program is not just about learning—it is about preparing, strengthening, and securing the future of our communities. Ang barangay na handa, bayan ang panalo,” aniya.

Binigyang-diin ng lider ng Kamara na ang kanilang pagsasanay sa disaster preparedness, responsableng pagba-budget, at maayos na pamamahala ay hindi lamang teknikal na kasanayan kundi mahalagang pundasyon upang mapanatiling ligtas at maunlad ang mga komunidad.

“Let us continue working together for a Bagong Pilipinas—where every barangay is strong, every leader is supported, and every community is thriving,” aniya.