Chiz

Chiz kumpiyansa na PH ekonomiya patuloy na matatag

18 Views

NILINAW ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na magkakaroon lamang ng kaunting epekto sa ekonomiya ang kasalukuyang mga kaganapang pampulitika, kung saan ay binigyang-diin niya ang matatag na pundasyon ng ekonomiya ng bansa at ang umiiral na mga demokratikong proseso.

Ayon sa pinuno ng Senado, base sa ulat, patuloy na kabilang ang Pilipinas sa pinakamabilis na lumagong ekonomiya sa Timog-Silangang Asya, at lumalago pa ito nang mas mabilis kumpara sa mga karatig-bansa tulad ng Singapore, Thailand, at Malaysia.

“This demonstrates the stability of our economy notwithstanding the political noise,” aniya.

“Palaging may epekto ang anumang ingay sa politika sa mga negosyante. Magpepreno ng kaunti, magpipigil-pigil ng kaunti, pero sana habang naiibsan ito, habang humuhupa ito, habang lumilinaw kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw, buwan at linggo, huhupa rin ang pangamba ng mga negosyante at manunumablik ang kanilang pamumuhunan sa ating bansa na lubusan nating kailangan sa panahong ito,” dagdag pa ni SP Chiz

Ipinaliwanag ng pinuno ng Senado na ang pagbagal ng inflation rate sa 2.1 porsyento noong nakaraang buwan, ang matatag na paglago ng gross domestic product (GDP) sa 5.6 porsyento noong 2024, ang malusog na pagpasok ng foreign direct investments na umabot sa US$8.9 bilyon noong nakaraang taon, at ang positibong pananaw para sa 2025 bunsod ng mas mababang inflation at mas mataas na antas ng konsumo at pamumuhunan ay mga pangunahing palatandaan na nagpapakita ng “katatagan ng kasalukuyang administrasyon at matibay na kumpiyansa ng mga negosyo sa Pilipinas.”

Sa mga susunod na linggo, inaasahan ni SP Chiz na bababa ang emosyon ng publiko kapag nagkaroon ng mas malinaw na pang-unawa sa mga kaganapang naganap kamakailan.

“What is important is that the legal processes are being followed and the people, whatever their political or personal inclinations may be, are allowed to express their sentiments and grievances,” ani ng beteranong mambabatas.

“Karapatan ng ating mga kababayan na magpetisyon sa gobyerno kaugnay ng sama ng loob nila sa pamahalaan. Karapatan nila ‘yon na ginagarantiyahan ng Saligang Batas. At para sa akin marapat lamang na payagan at pahintulutan ‘yon na sinabi naman ng gobyerno na papayagan at papahintulutan nila … basta’t mapayapa ‘yung mga pagtitipon na ‘yon,” dagdag niya.