ERWIN TULFO

Tulfo nakipagpulong sa mga PDL, hinaing at mungkahi tutugunan

31 Views

MULING nakipagpulong si ACT-CIS Partylist Representative at kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa pagka-Senador Erwin Tulfo sa mga pamilya ng mga persons deprived of liberty o PDLs upang talakayin ang kanilang mga hinaing at mungkahi patungkol sa kalagayan ng mga preso.

Kabilang sa mga isyu na idinulog ng mga miyembro ng AID DALAW Nationwide Movement ay ang sobra-sobrang pananatili na ng kanilang mga kaanak na PDL kahit tapos na bunuin ang kanilang sentensiya, mabagal na pag-proseso ng pagpapalaya, kakulangan ng tulong-medikal sa mga PDL na may sakit, at iba pa.

“Makakatulong po ako na kapag naihalal sa Senado, maghahain tayo ng resolusyon para maimbestigahan iyan, in aid of legislation, para mabalikan ang mga batas na pinapairal,” ani ni Tulfo

Dagdag niya: “Kukunin ko kayong mga resource persons, maaaring pati na rin yung mga ibang PDLs para mas maipaalam sa mga kababayan natin yung kalagayan ninyo.”

Ayon sa grupo, maliban sa mga mahal nila sa buhay na PDL, libo-libo pang preso ang nakakaranas ng sumusobra na sentensiya.

Isang miyembro ng AID-DALAW ang nagbahagi na ang kanyang asawa ay nananatili pa rin sa kulungan hanggan ngayon kahit na lampas na sa bilang ng taon na kailangan ng sentensiya, kaya kinailangan niyang magpabalik-balik sa mga korte para humingi ng tulong.

Samantala, may isang miyembro na dating PDL, ang nagbahagi ng kanyang kwento na sa kabila ng pagtatapos ng kanyang sentensiya, kinailangan pa niya ang writ of habeas corpus bago siya tuluyang mapalaya.

“Asahan po ninyo na susuriin natin itong mga idinudulog ninyo sa Senado para kung may kailangang repasuhin o amyendahan na batas, magagawa agad,” pagdidiin ni Tulfo.

Matatandaang noong Disyembre 2024 nang unang dumulog ang AID DALAW kay Tulfo. Ang grupo ay binubuo ng mahigit-kumulang 1,200 na miyembro na mga pamilya ng PDLs na nasa maximum-security, minimum-security, medium-security prisons, at maging mga penal colonies sa bansa.