Pope

SP Chiz: Mahalagang boses para maisulong ang inclusivity

12 Views

MABUHAY ang bagong Santo Papa!”

Ito ang pagbati ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pagkakahalal kay Pope Leo XIV, na simbolo ng pag-asa at pagbabagong espiritwal para sa buong mundo.

Kinilala ni Escudero ang makasaysayang pagluklok ni Cardinal Robert Francis Prevost bilang ika-267 Obispo ng Roma.

“I join the 1.4 billion Catholics worldwide in a prayer of gratitude and thanksgiving for the election of Cardinal Robert Francis Prevost as the new Vicar of Christ,” ani Escudero.

Si Prevost, na mula sa Chicago at ipinanganak noong 1955, ang kauna-unahang American-born na Santo Papa.

Miyembro siya ng Order of Saint Augustine at may malawak na karanasan sa gawaing pastoral sa Latin America.

Naitala rin ang kanyang pagkakahalal sa pamamagitan ng boto ng 133 cardinal electors, ang pinakamarami sa kasaysayan.

Ipinunto ni Escudero ang kahalagahan ng pamumuno ng bagong Santo Papa sa gitna ng malawakang kaguluhan at pagkakawatak-watak sa mundo.

“The new Pope represents a beacon of hope, not only for Christendom but for all of humanity. As we strive to build a world where peace prevails, wars cease, kindness flourishes and hatred dissipates,” sabi ng senador.

Binigyang-diin niya ang malalim na ugnayan ng Pilipinas sa pananampalatayang Katolika.

“I pray that His Holiness Pope Leo XIV may inspire and lead us as we navigate the challenges that we face as a nation,” dagdag niya.

Sa kanyang mensahe, isinaad din ni Escudero ang papel ng Santo Papa bilang isang makapangyarihang tinig sa mga pandaigdigang isyu.

Napili umano ni Pope Leo XIV ang kanyang pangalan bilang parangal kay Pope Leo XIII—isang tagapagtanggol ng mga manggagawa at tagapagsulong ng katarungang panlipunan.

Ipinapakahulugan ito ng marami bilang pagsuporta sa pagkakapantay-pantay, kapayapaan, at pagbibigay-pansin sa mga kapus-palad.

Ipinahayag ni Escudero ang kanyang pag-asa sa pamumuno ng Santo Papa lalo na sa mga lugar na nangangailangan ng pagkalinga.

“Where minorities face alienation due to intolerance, we pray that he will stand as a powerful voice for inclusivity.

Where the poor are further marginalized, we will follow his lead in halting the erosion of opportunities and ensuring justice for all.”