patay

Babae, lalaki nakitang patay sa loob ng boarding house

Zaida Delos Reyes May 14, 2025
17 Views

KAPWA may tama ng bala sa ulo nang matagpuan ang bangkay ng isang babae at lalaki sa loob ng isang boarding house nitong Martes ng madaling araw sa Barangay R. Castillo, Agdao, Davao City.

Isa sa mga biktima ay nakilala lamang sa pangalang Jelai, security guard na tubong Mabini, Koronadal City, South Cotabato.

Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan ng lalaking biktima.

Natagpuan ang mga bangkay nang magreklamo ang isang boarder sa katabing kwarto dahil sa tumutulong kisame na galing sa silid ng mga biktima.

Nang tignan ang silid para ayusin ay tumambad ang bangkay ng dalawa.

Sa inisyal na ulat ng Davao City Police, nakita pa sa CCTV footage ang pag-uwi ni Jelai sa boarding house. Ilang minuto ang nakalipas ay pumasok din sa silid ang lalaki at muling lumabas.

Pagpasok muli ng lalaki sa silid ay narinig na ang mga putok ng baril.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon para mabigyang linaw ang insidente.