Brawner AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr.

Walang kudeta sa ilalim ng aking pamumuno — Brawner

Zaida Delos Reyes May 28, 2025
67 Views

TINIYAK ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. nitong Miyerkules na walang magaganap na kudeta habang siya ang namumuno sa kanilang hanay.

Kasabay nito ang mariing pagtanggi sa mga alegasyon na may namumuong kaguluhan sa loob ng organisasyon.

“As long as I serve as Chief of Staff, no coup shall happen. Not on my watch. We will not be shaken by rumor nor outmaneuvered by noise,” paliwanag ni Brawner.

Ayon sa heneral, nananatiling isang propesyonal na institusyon ang AFP na patuloy na isinusulong ang reporma, pananagutan at disiplina sa loob.

“Let me reassure our countrymen that the AFP remains strong, professional, and firmly loyal to the chain of command. We are a disciplined institution, grounded in respect for the Constitution, civilian authority, and the rule of law,” pahayag pa ni Brawner.

Malaki aniya ang kanyang tiwala sa integridad, pagmamahal sa bayan at propesyonalismo ng lahat ng kawani ng AFP.

Kaugnay nito, nagbabala rin si Brawner sa mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon at nanggugulo at sinabing may kaukulang kapalit ang pagsira sa mga institusyong itinatag upang protektahan ang publiko.

“Sa mga patuloy na nagnanais ng kaguluhan, ito ay paalala at hindi panunumbat. Huwag ninyong pagdudahan ang mga sundalong tahimik na naglilingkod nang may dangal at katapatan sa Konstitusyon at sa bayan,” dagdag pa ni Brawner.

Aniya, hindi dapat gawing dahilan ang pagkadismaya upang siraan ang mga tagapagtanggol ng bayan.

“Ang pag-atake sa Sandatahang Lakas gamit ang walang basehang kuwento ay nagpapahina lamang sa institusyong nakatalaga upang tayo ay ipagtanggol,” ani Brawner.

Hinimok din niya ang publiko na maging mapanuri sa mga sensitibong isyu na may kaugnayan sa pambansang seguridad, at huwag basta-basta magpapaniwala sa haka-haka.

“Hindi tayo dapat maging kalaban sa iisang bansang mahal natin. Maging maingat tayo sa paggamit ng ating mga salita, plataporma, at impluwensiya. Ang tunay na pagkamakabayan ay nasusukat hindi sa lakas ng sigaw kundi sa karunungang piliin ang pagkakaisa kaysa sa pagkakawatak-watak,” ayon pa sa AFP chief.

Tiniyak din ni Brawner na nakatuon ang AFP sa tungkuling protektahan ang mamamayan, panatilihin ang kapayapaan at ipagtanggol ang bayan.