Calendar
PBBM binigyang-pugay ang Gilas Youth para sa SEABA U-16 sweep
NAGBIGAY ng mainit na pagpupugay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Gilas Pilipinas Youth team matapos ang kanilang malinis na 6–0 sweep at pagkapanalo ng gintong medalya sa Under-16 SEABA Qualifiers, na kanyang tinawag na patunay ng walang kapantay na talento at determinasyon ng kabataang Pilipino.
Sa isang post sa X (dating Twitter) matapos ang tagumpay ng koponan, binati ni Pangulong Marcos ang Gilas Pilipinas Youth na pinamumunuan ng beteranong si LA Tenorio bilang head coach.
“Isang malaking saludo sa Gilas Pilipinas Youth!” ani ng Pangulo, kalakip ang emoji ng bola at watawat ng Pilipinas.
“Congratulations sa inyong dominanteng 6–0 na panalo at sa gintong medalya sa U-16 SEABA Qualifiers. Isang malinaw na patunay na ang galing at determinasyon ng kabataang Pilipino ay walang kapantay,” dagdag pa niya.
Tiniyak rin ng Pangulo ang buong suporta ng pamahalaan sa susunod na laban ng koponan.
“Suportado namin kayo sa inyong susunod na laban sa FIBA Asia Cup!” sinabi ni Pangulong Marcos, kalakip ang mga emoji ng palakpakan at tropeo.
Kasama ang Pilipinas, Indonesia at Malaysia sa mga bansang kakatawan sa Timog-Silangang Asya sa FIBA U16 Asia Cup na gaganapin sa Mongolia ngayong Hulyo.
Walang talong tinapos ng youth national basketball team ng Pilipinas ang anim na laro, na pinutungan ng matinding 70–40 na panalo kontra Indonesia sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City, Pampanga, nitong Biyernes ng gabi upang masungkit ang kampeonato.

