Calendar

TWG ng Kongreso naglatag ng mga reporma para maging maayos pagpapadala ng mga balikbayan boxes
PAGKATAPOS ng imbestigasyon ng Kamara de Representantes kaugnay sa pagkawala ng mga balikbayan boxes na ipinapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Inilatag ng Technical Working Group (TWG) ang mga reporma para tiyakin na magiging maayos ang proseso ng pagpapadala ng mga nasabing balikbayan boxes.
Ito ang inihayag ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino kaugnay sa isinagawang pagsisiyasat ng TWG ng Kamara na pinamumunuan nito tungkol sa kaso ng pagkawala ng mga balikbayan boxes na nakapaloob sa House Resolution No. 499.
Sabi ni Magsino na ang naturang resolusyon na inakda nito ang nagsilbing daan para magkaroon ng imbestigasyon patungkol sa reklamo ng mga OFWs kung saan nawawala ang mga ipinapadala nilang balikbayan boxes para sa kanilang mga kamag-anak.
Nauna rito, sa pamamagitan ng House Committee on Overseas Workers Affairs na pinamumunuan ni TINGOG Party List Rep. Jude Acidre. Isinagawa ang pagdinig noong nakaraang taon at nitong Pebrero 4, 2025 para mapalalim ang pagsisiyasat sa isyu.
Dahil dito, nabatid sa kongresista na mayroon ng umiiral na working draft ng Joint Administrative Order (JAO) sa pagitan ng mga ahensiyang bumubuo kasama na dito ang Department of Migrant Wokers (DMW), Bureau of Customs (BOC) at Department of Trade and Industry (DTI) katuwang ang Overseas Welfare Administration (OWWA).
“Malinaw ang mandato ng TWG. Maglatag ng reporma para sa mas ligtas at makataong proseso ng pagpapadala ng balikbayan boxes. May mga konkretong mekanismo na laban sa anomalya sa balikbayan boxes ng ating mga OFWs,” sabi ni Magsino.
Wika pa ni Magsino na layunin ng iniutos na JAO na lumikha ng mas simple at malinaw na proseso para sa tax exemption ng balikbayan boxes, itakda ang solidary liability ng mga local de-consolidators at kanilang foreign partners at ipatupad ang escrow.