Calendar

Wanted sa S. Korea sa P400M na panloloko kulong, sisipain sa Pinas
ISANG Korean national na wanted sa South Korea dahil sa panloloko na nagkakahalaga ng mahigit P400 milyon ang inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) noong Biyernes sa Pasay City.
Ang pag-aresto alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higpitan ang kontrol sa mga hangganan at palakasin ang koordinasyon ng bansa sa pagpapatupad ng batas laban sa krimen sa ibang bansa.
Inaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI si Nam Sungjin, 53, bandang alas-8:00 ng umaga matapos ang koordinasyon sa Supreme Prosecutors’ Office ng Republika ng Korea at sa Philippine Air Force.
May arrest warrant si Nam na inisyu ng Changwon District Court, Miryang Branch sa South Korea noong 2024 para sa paglabag sa Article 347-(1) ng Korean Criminal Act na may kaugnayan sa panloloko.
“Ang mga dayuhang pugante na nagtatangkang gamitin ang Pilipinas bilang ligtas na kanlungan matutunton at ipade-deport,” ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.
“Sa ilalim ng Bagong Pilipinas na pananaw ni Pangulong Marcos, pinapalakas namin ang aming mga sistema upang tiyakin ang pambansang seguridad at ipatupad ang hustisya,” dagdag pa niya.
Nagpapanggap si Nam bilang isang lehitimong negosyante na may mga negosyo sa Korea at Pilipinas.
Dahil sa panlilinlang na ito, isang biktima ang iniulat na naglipat ng mahigit P400 milyon sa kanyang bank account noong 2022 bilang puhunan. Pero sa halip na gamitin sa pamumuhunan, ginamit ng suspek ang pera upang bayaran ang kanyang personal na mga utang.
Dadalhin si Nam sa warden facility ng Bureau sa Taguig City upang sumailalim sa karaniwang booking at dokumentasyon. Susunod ang proseso ng deportasyon.