LTO

SCOs sa 50 motorista na nagtatakip-plaka hinahanda na

Jun I Legaspi Jun 2, 2025
36 Views

NAGBABALA ang Land Transportation Office (LTO laban sa mga motorista na sinasadyang baguhin o takpan ang kanilang plate number upang makaiwas sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon sa LTO, maglalabas ito ng show cause orders (SCOs) laban sa 50 motorista na nahuling tinatakpan ang kanilang mga plaka.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, may kaakibat na administratibo at kriminal na pananagutan ang mga lalabag, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tugisin ang mga pasaway na motorista para sa kaligtasan sa kalsada.

“Medyo madami na ang nahuhuli namin kasama ang MMDA at tinitiyak namin na mas marami pa ang mahuhuli kung patuloy ninyong susubukan ang pambabastos na ito sa ating batas,” ani Asec. Mendoza.

Noong Hunyo 2, nagsumite si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group head Gabriel Go ng ebidensya laban sa humigit-kumulang 50 motorista na nahuling tinatakpan ang kanilang mga plaka.

Ayon kay Go, ang pakikipag-ugnayan sa LTO alinsunod sa direktiba ni MMDA Chairperson Don Artes upang disiplinahin ang mga pasaway na motorista, lalo na’t dumarami ang mga reklamo at may ilang vloggers pang ipinapakita kung paano nila nalulusutan ang NCAP.

Samantala, tiniyak ni LTO Executive Director Atty. Greg Pua Jr. na aaksyunan ng ahensya ang mga reklamong isinumite ng MMDA at sinabing pinalalakas pa ng LTO ang kampanya laban sa modus na ito.

Tinukoy rin ni Pua ang Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act na nagpaparusa sa sinumang magtatangkang pakialaman ang plaka.

“This is very crucial po kasi last week meron tayong nadiskubre na ginagawa ng mga motorista para makatakas sa NCAP ng MMDA. Nakita natin na pinagyayabang pa po sa social media yung kanilang ways para matakasan ang NCAP,” ayon kay Pua.

Hinimok ni Pua ang mga motorista na sundin na lamang ang mga batas trapiko at nanawagan sa publiko na i-report sa LTO ang mga insidenteng may kinalaman sa pagtatakip ng plaka.