Calendar

Social media platforms dapat maging responsable sa laban vs fake news
Iginiit ng dalawang miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na dapat responsibilidad ng mga social media platform na tiyaking hindi lumalabag sa batas ang mga content provider, partikular na sa pagpapalaganap ng fake news, deepfakes, at AI-generated disinformation.
Kapwa nagbigay ng pahayag sina Secretary Henry Aguda ng Department of Information and Communications Technology at Secretary Jay Ruiz ng Presidential Communications Office ng kanilang pananaw sa pagdinig ng House Tri-Committee tungkol sa online fake news at disinformation, kung saan iginiit ng mga mambabatas ang pangangailangang na magkaroon ng mahigpit na regulasyon sa mga digital platform na gumagana sa bansa.
“Who has the promordial responsibility on fact-checking or is it the responsibility of platforms that their content providers do not violate the law?” tanong ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop sa pagdinig.
Tugon ni Aguda na nasa mga platform ang pananagutan, gay ana lamang aniya ng isang tindahan na kumikita mula sa pagbebenta ng pekeng produkto.
“Kung pumasok kayo sa mall tapos ang mambibili bumili ng fake, kasalanan po ng mall ‘yan. So sa akin po ang may responsibilidad dyan ay ang platform,” ani Aguda.
Tinukoy din niya na sa tradisyunal na broadcast media sa Pilipinas ay may sariling mga mekanismo ng self-regulation at oversight sa pamamagitan ng mga ahensya tulad ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at Movie and Television Review and Classification Board, samantalang ang mga social media platform—na may mas malawak pang abot—ay walang regulasyon.
“Mas malaki ang reach ng social media platform, times 10, times 20 ng normal broadcast. So, Mr. Chair, with due respect to the platforms, dapat sila kasi kumikita po sila ng pera pa sa platform na ‘yan at isa na sila sa pinakamayayaman na kumpanya sa mundo,” dagdag pa ni Aguda.
Sinangayunan ni Ruiz ang pananaw ni Aguda at nanawagan ng batas upang tugunan ang paglaganap ng disinformation gamit ang mga bagong teknolohiya.
“‘Pag pinapasok mo ‘yung fake news sa iyong platform, dapat ‘yan may karampatang parusa sa gobyerno dahil nga ikaw ang nagpapasok e,” ani Ruiz.
Dagdag pa niya: “Ang mas nakakatakot ngayon with the advent of new technology, napakabilis po. We have deep fakes, we have artificial intelligence. Itong paglabas ng fake news, mas pabilis pa sa wildfire na ngayon ‘yan.”
Hinikayat ni Ruiz ang mga mambabatas na isama sa panukalang batas ang deepfakes at artificial intelligence bilang bahagi ng hakbang na labanan ang disinformation.
Inusisa naman ni Acop ang kinatawan ng Google Philippines na si Atty. Yves Gonzales kung sumasang-ayon ito sa pananaw ng dalawang kalihim na may pananagutan ang mga platform sa pagbabantay ng mga content na inilalagay ng kanilang mga users.
“Would you agree with the opinion of the two secretaries insofar as the responsibility of media platforms to fact-check the contents of the bloggers that you have?” tanong ni Acop. “Or you’re just like the Meta representatives, they would evade responsibility as the records of the hearing would show?”
Bagamat unang umiwas na sumagot, tugon ni Gonzales: “Mr. Chair, we agree that everyone who uses these platforms have the appropriate responsibility, including the platforms as well. So, Mr. Chair, for things that are within the control of the platform, we would take accountability for that.”
Inaasahang pagsasamahin ng Tri-Committee ang mga panukalang batas na maggagawad ng mga bagong obligasyon sa mga social media platform, kabilang ang content moderation, mga parusa sa hindi pagsunod, at mga hakbang upang pigilan ang maling paggamit ng artificial intelligence sa pagpapalaganap ng disinformation.