Pimentel

Pag-regulate ng gobyerno sa Meta iminungkahi

60 Views

DAPAT umanong pakuhanin ng congressional franchise ang Meta, ang kumpanyang may-ari ng Facebook at Instagram, para makapag-operate sa Pilipinas dahil sa pagkabigo na agad na tanggalin ang fake news sa kanilang platform kahit na sinabi na ng gobyerno na peke ang kumakalat na dokumento at hindi nagbabayad ng angkop na buwis sa gobyerno sa kabila ng kinikita nito sa bansa.

Sa pagdinig ng House Tri-Committee na tumatalakay sa fake news, kinuwestiyon ni Surigao del Sur 2nd District Representative Johnny Pimentel ang Meta dahil hindi ito umano kumikilos kahit mismong gobyerno na ang nagsabing peke ang ilang kumakalat na impormasyon.

“Mr. Chair, I totally agree with the observation of Secretary Jay that we are at the mercy of Meta platforms,” ayon kay Pimentel, vice chair ng House Committee on Information and Communications Technology, na tinutukoy si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz.

“Isipin niyo po, Mr. Chair, ‘yung gobyerno na natin ang nag-request sa Meta platforms to take down the fake news of that memorandum that was issued purportedly by ES [Executive Secretary Lucas] Bersamin, e hindi nga sila nakinig sa info,” ayon sa pahayag ni Pimentel kay Tri-Comm Chair at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez.

Ipinunto rin ni Pimentel na patuloy na nakakapag-operate ang Meta sa bansa nang hindi sumusunod sa regulasyon at hindi rin nagbabayad ng tamang buwis.

“Another example is that Meta platforms [are] not even paying taxes to the Philippine government. Ang pinag-request natin sa kanila is self-regulation. However, sabi ko nga, hindi tayo pinapakinggan,” ayon pa mambabatas.

Dagdag pa Pimentel, “So it’s about time siguro if they cannot have self-regulation, it must be this government, this administration, ang mag-regulate sa kanila. And that is why, Mr. Chair, I think we should really study if it is possible that we should require this Meta to get a franchise from Congress for them to operate here. We can regulate them.”

Binigyang-diin ni Pimentel na may mahigit 90 milyong user ang Pilipinas — isa sa pinakamalaking gumagamit ng Meta sa Southeast Asia — ngunit tila kita lamang ang iniintindi ng kumpanya.

“Ang problema sa Meta, ang pinag-iisipan lang nila ‘yung kita nila. There are 90 million users sa Pilipinas. I think we are the biggest users of this platform in the entire Southeast Asia. So that is why maybe we can ask help from Secretary Jay, Secretary [Henry] Aguda [of the Department of Information and Communications Technology] to find a way that we can regulate this platform,” saad Pimentel.

Sa parehong pagdinig, isinalaysay ni Ruiz kung paanong tumanggi ang Meta na tanggalin ang pekeng memo na diumano’y galing sa Office of the Executive Secretary, kahit may pormal na certification mula sa DICT Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na ito ay peke.

“Alam mo, sir, hindi nila tinanggal. Ang reason ng mga platforms is that ito is freedom of expression, may community standards kami. Ang bawat isang user, siya ang accountable to his or her account,” ayon kay Ruiz.

“So ano ito? Are we at the mercy of the platforms? Sabi namin hindi kayo dito naka-base, hindi pa kayo nagbabayad ng buwis, and yet you don’t regulate or stop fake news here in the Philippines,” giit pa niya.

Inihalimbawa ni Ruiz ang Singapore, kung saan pinapatawan ng multang katumbas ng hanggang 6% ng kita ang mga social media platforms na nagpapakalat ng maling impormasyon.

“May penalties against social media platforms na kapag nagpapalabas ka ng fake news, you will be penalized. Ang tinitira nila ang penalties mataas—6 percent of profit ang ginagawa nila,” ayon sa Kalihim.

Nagbabala rin si Ruiz na may masamang epekto sa demokrasya ng Pilipinas ang hindi napipigilang fake news, lalo na tuwing halalan.

“E paano kung ang tao binabase niya ang decision niya sa mga fake news o kasinungalingan? Isipin mo kung ang mga botante natin baboto base sa impormasyon ng kasinungalingan, anong klaseng generation, anong klaseng democracy meron tayo?”

“Eventually our people will no longer decide based on informed decisions, but based on lies. We agree that there is a right to information, but that right should be accurate information,” dagdag pa ni Ruiz.

Samantala, kinatigan ni Fernandez ang mungkahi ni Pimentel at hiniling na agad itong aksyunan ng Malacañang.

“I think the President must certify urgent ang bills that the 20th Congress will be filing. Kasi kailangan dito na intervention ng Presidente na mapabilis ang batas na ‘yan. And I think one year din ‘yan,” ani Fernandez.

Inaasahang pagsasamahin ng House Tri-Comm ang mga panukala upang makabuo ng angkop na regulasyon para sa mga social media platform sa bansa, lalo na laban sa pagpapakalat ng pekeng impormasyon.