Pope Source: Vatican News

Kamara pinagtibay reso ng pagbati kay Pope Leo XIV

18 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang House Resolution (HR) No. 2301 bilang pormal na pagbati sa kay Pope Leo XIV sa kanyang pagkahalal bilang ika-267 Santo Papa ng Simbahang Katolika.

Ang resolusyon, na inakda ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng mga pinuno ng Kamara, ay kinikilala ang pagkahalal kay Pope Leo XIV—na dating si Cardinal Robert Francis Prevost—bilang isang mahalagang sandali sa patuloy na pagpapatatag ng pananampalatayang Katoliko at bilang inspirasyon sa mga mananampalatayang Katoliko sa buong mundo.

Si Pope Leo XIV, na nahalal noong May 8, 2025, ang kauna-unahang Santo Papa sa kasaysayan ng simbahan na mula sa Estados Unidos at unang Santo Papa mula sa Order of Saint Augustine.

Pinili niya ang pangalang Leo XIV, bilang pagpupugay kay Pope Leo XIII, na kilala sa kanyang makabuluhang mga aral panlipunan, kabilang na ang pagtataguyod sa karapatan at makatarungang sahod para sa mga manggagawa.

Pinuri ng Kamara ang bagong Santo Papa dahil sa kanyang napiling motto na “In Illo Uno Unum” o “In the One, we are one,” na galing sa paliwanag ni San Agustin tungkol sa Awit 127.

Pinuri ng Kamara ang bagong halal na Santo Papa sa pagpili niya ng episcopal motto na “In Illo Uno Unum” o “In the One, we are one,” na hango kay San Agustin tungkol sa Awit 127.

Ayon sa resolusyon, ang motto na ito ay nagtataguyod ng pagkakaisa at pagkakabuklod sa Simbahan, at nagpapakita ng panghabang buhay na paninindigan ng pinuno ng simbahan sa pananampalataya, dayalogo, at pagiging bukas para sa lahat.

“The election of His Holiness Pope Leo XIV, as the Vicar of Jesus Christ, marks a pivotal moment in the continued strengthening of the Catholic faith, and as the Supreme Pastor, Prime Witness to Faith and Unifier of the people of God, His Holiness stands as a beacon of harmony and peace, fostering unity among all believers,” ayon pa sa resolusyon.

Kinilala rin ng Kamara ang matagal na paglilingkod ni Pope Leo XIV sa Simbahan, ang kanyang pagiging misyonero, at ambag sa larangan ng teolohiya.

Ipinanganak siya sa Chicago, Illinois sa pamilyang may pinaghalong lahi ng Pranses, Italyano, at Espanyol. Nag-aral siya para maging pari sa Order of Saint Augustine, nanumpa noong 1981, at naordinahan bilang pari noong 1982.

Natapos niya ang Master of Divinity sa Catholic Theological Union sa Chicago, at ang Doctorate in Canon Law sa Pontifical University of Saint Thomas Aquinas (Angelicum) sa Roma.

Nagsilbi siya bilang Prior ng Augustinian Province of Our Lady of Good Counsel sa Chicago, at dalawang ulit na nahalal bilang Prior General ng buong Augustinian Order.

Naging misyonero rin siya sa Peru, kung saan nagsilbi siyang Obispo ng Chiclayo at Apostolic Administrator ng Callao, at kalaunan ay naitalaga bilang Prefect of the Dicastery for Bishops at President of the Pontifical Commission for Latin America, bago iniangat bilang Cardinal-Bishop of Albano noong Pebrero 2025.

“As the Supreme Pastor, Prime Witness to Faith and Unifier of the people of God, His Holiness stands as a beacon of harmony and peace,” ayon sa resolusyon, kung saan binanggit ang kanyang pamumuno sa pagbuo ng ugnayan sa pagitan ng mga Kristiyano at hindi Kristiyanong mga komunidad at paggabay sa mga tao patungo sa pinag-isang landas na nakabatay sa diwa ng pagkakapatiran ng tao at paghahangad ng pandaigdigang kapayapaan.

Bukod kay Speaker Romualdez, kabilang sa mga may-akda ng resolusyon sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga, Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at mga Kinatawan ng Tingog Party-list na sina Yedda K. Romualdez at Jude A. Acidre.

Ang kopya ng resolusyon ay ipadadala sa Apostolic Nunciature sa Maynila upang maiparating sa Holy See.