Calendar

Paghihigpit sa balikbayan boxes ipatutupad
MAS magiging mahigpit ang regulasyong ipatutupad ng gobyerno para sa mga cargo forwarders para tiyakin na maiiwasan na ang pagkawala at mishandling ng mga balikbayan boxes na ipinapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Pilipinas.
Ito ang ipinahayag ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino matapos na pormal nang lagdaan ang Joint Administrative Order (JAO) sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Bureau of Customs (BOC) para sa mga balikbayan boxes.
Ang paglalagda sa JAO sa pagitan ng dalawang nabanggit na ahensiya ay bunsod ng naging resulta ng isinagawang meeting ng Technical Working Group (TWG) na pinangunahan ng OFW Party List kaugnay sa inihaing House Resolution ni Magsino.
Ipinaliwanag ni Magsino na kabilang sa mga nakapaloob sa JAO ay ang isang “whole government framework” kung saan mas pinahigpit ang regulasyon para sa mga cargo forwarders para tiyakin na magiging ligtas ang mga ipinapadalang balikbayan boxes.
Pagbibigay diin ng kongresista na layunin nito na matiyak din na makakarating sa bawat pamilya ng mga OFW ang mga ipinapadalang balikbayan boxes at matatanggap nila sa itinakdang panahon na naaayon sa kani-kanilang mga kontrata.
Sabi pa ni Magsino na nakasaad din sa JAO ang mas pinag-igting na na multi-agency complaints at monitoring system para gabayan ang mga OFWs na pagpili ng isang lehitimong cargo forwarders kasunod nito ang pagpapa-igting sa inspeksiyon, dokumentasyon at direktang koordinasyon sa mga lehitimong consolidators.
“Isang malaking karangalan para sa akin ang pangunahan ang pagtatag ng reporma sa proseso at polisiya sa balikbayan boxes. Ang konkretong aksiyon sa ito ay matagal nang hinihintay ng ating mga OFWs. Noong 2022 pa lamang ay ipinaglalaban na natin ito,” sabi ni Magsino.