DA

DA ibababa MSRP ng imported na bigas

Cory Martinez Jun 9, 2025
17 Views

NAKATAKDANG ibaba ng Department of Agriculture (DA) sa Hulyo ang maximum suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas upang marami pang konsumer ang makabili ng murang bigas.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tugon ang inisyatibo sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maghanap ng mga paraan upang mapagaan ang pasanin ng mga mamimiling Pilipino.

“Plano naming bawasan ang MSRP ng imported na bigas sa P43 per kilo simula ngayong July 1 mula sa kasalukuyang presyo na P45 bilang tugon sa pagbaba kamakailan ng pandaigdigang presyo,” ani Tiu Laurel.

Naunang ipinatupad ng DA ang MSRP noong Enero matapos magdesisyon si Pangulong Marcos na bawasan ang taripa ng bigas mula 35 percent at ginawang 15 percent.

Naaayon ang hakbang sa pagbaba ng pandaigdigang presyo matapos alisin ng India ang export ban sa kanilang non-basmati rice at ang bumabang demand matapos ang El Niño.

Itinakda sa P58 per kilo noong Enero ang inisyal na MSRP sa 5 percent broken imported rice at naibaba sa P45 noong Marso 31.

Inaasahan din ni Tiu Laurel ang katumbas na adjustments sa presyong ibinebenta sa ilalim ng Rice-for-all program ng DA.

Sa kasalukuyan, ang 5 percent broken rice ay may presyong P43 per kilo, P25 percent broken sa presyong P35 at 100 percent broken sa presyong P33.

Hanggang Disyembre ang pagbebenta ng P20/kilo rice program na layuning pakinabangan ng hanggang 14 milyong low-income at mahinang sektor gayundin ng mga arawang manggagawa na tumatanggap ng minimum na kita.

Iniutos ni Pangulong Marcos Jr. sa DA na panatilihin ang P20-per kilo rice program hanggang sa matapos ang kanyang termino sa June 2028.

Bilang sagot sa mga tanong kung kayang masustini ang programa, tiniyak ni Tiu Laurel sa publiko na matatag ang pundasyon nito.

Samantala, inatasan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga eksperto sa budget at polisiya sa Kamara na gumawa ng malalim na pag-aaral sa posibilidad na gawing pambansang polisiya ang P20-per-kilo rice program.