Gonzales Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

SDS Gonzales: 100% tiyak na mananatiling Speaker si Romualdez sa 20th Congress

22 Views

TIWALA si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na mananatili si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez bilang pinuno ng Kamara de Representantes sa 20th Congress, dahil sa malawak na suporta mula sa mga bagong halal na mambabatas at magandang rekord ng pamumuno nito.

“Ako, I believe 100% siya pa rin ang magiging Speaker of the House ng 20th Congress,” ani Gonzales sa isang ambush interview sa media.

Ibinahagi ni Gonzales na 285 na mambabatas-elect na ang lumagda sa isang manifesto ng suporta kay Romualdez, na aniya’y malinaw na patunay ng pagkakaisa at pagtitiwala sa liderato ng Speaker.

“The mere fact na may pumirma ng 285 for the 20th Congress, that is a manifestation na talagang gusto nila ‘yung liderato ng ating nakaupong Speaker,” aniya. “Ganoon lang ka-simple ‘yun.”

Itinanggi rin niya ang anumang pahiwatig na ang Kamara ay nahahati.

“Wala po ako nakikitang division ng Congress because of the leadership of our Speaker, Speaker Martin Romualdez,” giit niya.

Ito ay kasunod ng mga naging pahayag ni Deputy Speaker Duke Frasco ng mga alalahanin tungkol sa internal na dinamika sa loob ng Kamara.

Nauna nang tinanggal si Frasco mula sa National Unity Party (NUP), umano’y dahil sa kanyang desisyong huwag lumagda sa manifesto ng suporta para kay Speaker Romualdez para sa ika-20 Kongreso.

“Regarding naman doon sa statement ni Duke Frasco, ni Deputy Speaker, kasama ko ‘yang Deputy Speaker. I am the Senior Deputy Speaker and he is one of the Deputy Speakers. Palagi naman ‘yan nagpre-preside, we have the schedule to preside. Ginagawa naman niya ‘yung tungkulin niya at hindi ko alam kung bakit may ganitong isyu,” ani Gonzales.

Nilinaw rin niya na hindi pa sila nagkausap ni Frasco mula noong election break at wala siyang alam sa anumang plano na alisin ito bilang Deputy Speaker.

“Hindi ko po ‘yun masasagot… Wala po ako alam na [ganoon],” dagdag pa niya.

Tungkol naman sa mga posibleng hindi pagkakaunawaan sa liderato ng Kamara, mariing itinanggi ni Gonzales na mayroong ganito.

“Wala po. Andito po ako halos araw-araw. Wala po ako alam na hindi pagkakaintindihan ng liderato,” aniya. “Ang ating Speaker, nakikita n’yo naman po kung paano magtrabaho every day.”

Nagbigay rin siya ng komento sa posibilidad na mas marami pang mambabatas ang lalagda sa manifesto.

“Palagay ko po, meron lang nag-yes na wala [pa sa list], pero they will sign the manifesto of support of the Speaker,” ani Gonzales.

Nang tanungin tungkol sa umano’y mga “frustration” sa Visayas at Mindanao, mariing itinanggi ito ni Gonzales.

“All Congresspersons in Luzon, Visayas and Mindanao are all happy… Wala po akong naririnig na mayroong ganyang issue sa liderato ni Speaker Martin Romualdez,” aniya.

Ipinunto niya na ang suporta ng Speaker ang isa sa mga pangunahing dahilan ng tagumpay sa halalan ng maraming mambabatas.