Calendar

Quad Comm ginising bagong henerasyon sa mga isyu ng bansa
BAGAMAT nagtapos na ang imbestigasyon ng Quad Committee ng Mababang Kapulungan, naniniwala ang isa sa mga co-chair nito na may malalim at pangmatagalang epekto na itong naidulot—ang paggising ng bagong henerasyon sa mga mahahalagang isyung kinakaharap ng bansa.
“Napukaw muli ng mga pagdinig ang interes ng publiko, lalo na ng kabataan, sa aktibong pakikilahok sa nation-building,” ayon kay Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, co-chair ng House Quad Committee.
Ang Quad Comm, isang pinagsanib na panel na binubuo ng mga Komite sa Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts, ay nilikha sa pamamagitan ng House Resolution No. 1880 at nagsimula noong Agosto ng nakaraang taon.
Mula noon, nagsagawa na ito ng 15 pagdinig, kabilang ang mga testimoniya na bumulgar ng pagkakasangkot ng mga sindikatong Tsino, ilang opisyal ng pulisya, at mga dating opisyal ng pamahalaan sa iba’t ibang kriminal na gawain.
Bilang chair ng House Committee on Public Accounts, nagpasalamat si Paduano sa pambihirang interes at suporta ng publiko sa mga pagdinig, na ini-stream online at umani ng mataas na bilang ng manonood.
“Alam namin na masigasig nilang sinubaybayan ang bawat pagdinig—marami ang nagpuyat, abot hanggang hatinggabi, upang masaksihan mismo ang paglalantad ng katotohanan,” ani Paduano.
Isa sa mga pinakatampok na bahagi ng mga pagdinig ay ang pagdalo ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na umani ng mahigit 1.9 milyong views sa opisyal na Facebook page ng Kamara.
“Sa kanyang testimonya, mariin niyang inamin na inutusan niya ang Philippine National Police (PNP) na patayin ang mga pinaghihinalaang drug personalities kung sila’y manlaban, at kung hindi manlaban, ay pilitin silang lumaban upang ma-justify ang paggamit ng deadly force,” saad ni Paduano.
Tinukoy rin niya ang patuloy na pag-iwas ni Atty. Harry Roque, na na-cite for contempt dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig at sa kabiguang magsumite ng mga hinihinging dokumento.
“Mula noon, umiwas na sa mga awtoridad si Atty. Roque at lumabas ng bansa sa kahina-hinalang paraan—na maaaring nagpapahiwatig ng pagkakasangkot sa mga sindikato,” aniya.
Binigyang-diin rin ni Paduano ang naging pahayag ni dating PCSO General Manager Royina Garma, na inaming ginamit sa buong bansa ang “reward system” sa pag-neutralize ng mga drug suspect na sinimulan sa Davao City.
Ngunit ayon kay Paduano, ilan sa mga pinakamatinding sandali sa mga pagdinig ay nagmula sa mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs.
“Ang mga pamilyang ito ay nagpakita ng matinding tapang—sa kabila ng banta sa kanilang buhay—upang ibunyag ang sistematikong pang-aabuso at ang pagkabigo ng mga institusyon na pigilan ito,” dagdag niya.
Habang papatapos na ang ika-19 na Kongreso at ang kanyang ikatlo at huling termino, iniwan ni Paduano ang isang hamon sa mga susunod na mambabatas:
“Sa diwang ito, iniiwan namin ang hamon sa darating na Kongreso at sa mga bagong lider nito—ipagpatuloy at palalimin pa ang pundasyong binuo ng Quad Committee.”
“At sa puntong ito, ako’y nagpapaalam, ngunit hindi pa tapos ang ating laban para sa isang makabago, maunlad, at malinis na Pilipinas.”