Calendar

Fernandez: Hinding hindi ko pagsisisihan na ipinaglaban ko ating bayan
SINABI ni Quad Comm Chairman Dan Fernandez ng Laguna nitong Lunes na ang kanyang pakikilahok sa kontrobersyal na mga pagdinig ng Quad Comm ay may kaakibat na personal at politikal na sakripisyo, ngunit nananatili siyang proud at matatag sa kanyang paninindigan para sa katotohanan at katarungan.
“Hindi natin alam ang buong katotohanan – siyempre maraming salik ang dapat isaalang-alang – pero ang sigurado ako: hinding-hindi ko pinagsisisihan na ipinaglaban ko ang ating bayan,” ani Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, sa kanyang pahayag sa huling pagdinig ng Quad Comm.
“Maraming nagsasabi na matindi ang naging demolition job hindi lang laban sa akin, kundi sa ilan sa mga kasamahan kong matagal nang nagsusulong ng mga isyung mahalaga para sa bayan. Sabi ng iba, ito raw pagsama ko sa Quad Comm ang dahilan kung bakit hindi ako nanalo,” dagdag pa ni Fernandez.
Gayunpaman, sinabi ni Fernandez na naninindigan siya sa naging trabaho ng pinagsanib na komite, at iginiit na sulit ang mga panganib na hinarap nila upang ibunyag kung paano inabuso ng ilang POGO ang ating mga batas, kabaitan, at ang kapayapaan sa mga komunidad.
“Tinanggap natin sila noon – siguro dahil umaasa tayong may mabuting maidudulot ito. Na baka, kahit papaano, ay mapabuti ang ating kabuhayan. Pero ang nangyari, inabuso tayo. Ginamit ang ating kabaitan. Ginamit ang ating batas. At higit sa lahat, ipinasok dito sa ating bayan ang katiwalian, ang karahasan at ang kasamaan,” aniya.
Bilang isang ama, sinabi niyang naramdaman niyang tungkulin niyang kumilos sa gitna ng sistemikong katiwalian, dahil ang mga susunod na henerasyon ang magdurusa sa kakulangan ng aksyon mula sa pamahalaan.
“Ako po ay isang ama. At bilang isang tatay, hinding-hindi ko hahayaang ang mga anak natin – ang kabataan – ang siyang magdusa dahil sa ating kawalan ng paninindigan,” ani Fernandez.
Ipinahayag din niya ang pagkadismaya sa paulit-ulit na pagtanggi at pag-iwas ng ilan sa mga inimbitahang humarap sa Kamara, na aniya’y parang iniinsulto ang katalinuhan ng mga Pilipino.
“Habang sinusubukan nating hanapin ang katotohanan sa mga pagdinig na ito, paulit-ulit nating narinig ang mga salitang ‘hindi ko po maalala, Your Honor.’ Hindi puwede na basta ganun na lang,” binigyang-diin niya.
“Hindi natin pwedeng hayaan na ang ‘hindi nila maalala’ ay gawing pamamaraan upang iligaw tayo sa katotohanan,” dagdag pa ni Fernandez.
Aminado rin siyang naging tampok ng katatawanan at memes ang mga pagdinig, ngunit aniya, hindi biro ang mga isyung nakapaloob dito.
“Oo, marami ang natawa. Naging memes pa nga ito. Pero sa totoo lang, kung iisipin natin nang malalim, nakakalungkot. Nakakagalit. Dahil para bang binabastos ang ating bayan, ang ating mga ahensiya, at ang ating mga batas,” sabi niya.
Nagbabala rin si Fernandez na hindi dapat balewalain ang mga krimeng nalantad sa mga pagdinig ng komite.
“Ang pinag-uusapan po natin dito ay hindi simpleng kalimot. Ang pinag-uusapan po natin ay money laundering. Human trafficking. Obstruction of justice. Hindi biro ito. Hindi ito dapat balewalain,” giit niya.
Sa kabila ng lahat, nagtapos si Fernandez sa isang mensahe ng pag-asa, at panawagan sa mga Pilipino na patuloy na ipaglaban ang katotohanan at katarungan.
“Sa kabila ng lahat ng ito, ako po ay nananatiling may pag-asa. Na kahit masakit, kahit mahirap, ang tama ay tama – at kailangang ipaglaban,” pagtatapos ni Fernandez.