Barbers1

Quad Comm 2.0: Katarungan, pananagutan dapat sumunod sa mga pagdinig

25 Views

NAGPAHIWATIG si House Quad Comm lead Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers nitong Lunes na posible ang muling pagbabalik ng pinagsamang imbestigasyon ng apat na komite ng Kamara, kasunod ng natuklasan sa mga isinagawang pagdinig. Giit niya, kailangang may managot at hindi magtapos sa pagsusumite lamang ng ulat ang laban para sa katarungan.

Ayon kay Barbers, na siyang chair ng House Committee on Dangerous Drugs, hindi maaaring matigil ang paghahanap ng pananagutan pagkatapos ng report ng komite.

“Maaaring ito na nga ang huling pagdinig ng Quad Comm sa panahong ito. Subalit ang paghahanap ng katarungan ay magpapatuloy. Kung hindi man nabigyang-pansin ang iba pang mga bagay dahil sa kakulangan ng panahon, ‘wag po kayong mawalan ng tiwala at pag-asa. Hindi po manhid o natutulog ang inyong mga kinatawan sa Kongresong ito,” ani Barbers sa kanyang closing statement.

Ibinunyag din ni Barbers na malinaw sa mga ebidensyang lumabas na ginamit ng mga dayuhang sindikato ang POGOs upang manipulahin, suhulan, at balewalain ang mga batas ng Pilipinas — sa tulong pa mismo ng ilang Pilipino.

“Maliwanag pa sa sikat ng araw — nalinlang ang sambayanang Pilipino,” aniya. “Hindi lang tayo isinangla, kundi ibinenta tayo ng ating mga kababayan — ang ating kinabukasan, mga anak, at ang ating Bayan — sa mga dayuhang kriminal.”

Nanawagan siya ng kongkretong aksyon batay sa natuklasan ng Quad Comm hearings, at iginiit na hindi dapat palampasin ang mga sangkot.

“Sana sa mga natuklasan ng pandinig ng Quad Comm ay may managot, upang ‘di na tularan pa. Sana ang mga kinauukulan ay makonsensiya at panagutin ang mga naglapastangan sa Bayan,” dagdag niya.

Binatikos din ni Barbers ang mga kritiko na nagsabing puro pulitika lamang ang mga pagdinig.

“Naipakita natin sa buong mundo na tayo ay lumaban, nanindigan, at nagpahayag ng katotohanan ng walang takot,” ani Barbers.

Ipinunto rin niya na lahat ng impormasyon sa Committee Report ay base sa mga dokumento, sinumpaang salaysay, at testimonya ng mga humarap sa mga pagdinig.

“Isa lamang ang naging pamantayan ng Quad Comm — ang tunay na kapakanan ng Bayan,” pagtatapos ni Barbers.